PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA darating na Marso 28, 2025 ay kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands matapos na kusang ipadala ng BBM administration para paharapin sa reklamo kaugnay sa war on drugs sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Sa araw na ito ay 80-anyos na si FPRRD at batay sa ating natanggap na impormasyon ay magkakaroon ng protesta para iparamdam ng mga Pilipino ang kanilang suporta sa dating pangulo.
Ang hindi lang natin alam ay kung gaano kalaki ang magiging protesta at saan ito hahantong?
Sa ngayon kasi may malalaking mga pagkilos na ang mga Pilipino sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas, maging sa mga bansa sa buong mundo kung saan may overseas Filipino worker (OFWs).
Mismo sa The Hague, Netherlands kung saan naroroon ang International Criminal Court (ICC), ay nakararanas na rin ng mga protesta mula sa mga Pilipino na kumukondena sa pag-aresto kay dating Pangulong Digong.
Maging sa lugar mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, sa Ilocos Sur ay may protesta na ring nangyayari at iisa ang kanilang panawagan, ang ibalik ang dating pangulo sa Pilipinas.
Naniniwala sila na si dating Pangulong Duterte ay biktima ng inhustisya dahil pinilit ito ng gobyerno na ipadala sa The Hague, Netherlands at inosente ito sa kasalanan na inaakusa sa kanya.
Maging ang tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo na si Edwil Zabala, ay naniniwala na dapat kung may kaso mang nakasampa kay dating Pangulong Duterte ay sa Pilipinas ito dinggin at hindi sa ibang bansa.
Ayon sa kanya, ang INC ay naniniwala sa hudikatura ng Pilipinas kung kaya’t sino mang Pilipino na nagkasala sa batas ng Pilipinas ay dapat dito lilitisin.
Sa isang briefing noong nakaraang Martes, si Palace Press Officer Claire Castro ay natanong kung may mensahe ba si Pangulong Marcos sa birthday ni dating Pangulong Duterte sa Marso 28.
Narito ang kanyang sinabi, “Wala pang mensahe si Pangulong Marcos para kay Duterte. Ako po may mensahe: Kantahan natin ng ‘Happy Birthday.’ ‘Yun lang po.”
“Kasi birthday po ‘yun eh, kailangan po maging maligaya ang taong nagbi-birthday at wini-wish po natin siya nang happy birthday,” dagdag pa niya.
Sino ang magiging masaya sa kanyang kaarawan habang nasa loob kulungan?
Ang panalangin ko na lang ngayon ay hindi humantong sa kaguluhan ang mga pangyayaring ito dahil ang pangunahing magiging apektado nito ay ang mga ordinaryong Pilipino.
‘Pag nagkataon, babagsak na naman ang ekonomiya ng bansa, ngayon pa lang ay marami na ang naghihirap dahil hindi na natututukan ng gobyerno ang mataas na presyo ng pangunahing mga bilihin at lumalala ang korupsyon.
Saan pupulutin ang bayan ni Juan?
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
