BAGO pa man naglockdown ang Pilipinas, marami na tayong naririnig na impormasyon na may mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang tinamaan na ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Enero pa lamang ng taong ito marami nang kumakalat na impormasyon na may POGO workers na nagkaroon ng mabagsik na virus at dinadala raw sa isang POGO hub at doon ginagamot.
Hindi lang malinaw kung saang POGO hub dinadala ang POGO wokers na COVID-19 positive pero kumakalat na ang impormasyon hinggil sa pagkakasakit ng mga dayuhan.
Ang impormasyong ito ay kumalat pagkatapos magkaroon ang Pilipinas ng unang kaso ng COVID-19 sa katauhan ng isang Chinese na mula sa Wuhan, China kung saan unang kumalat ang virus na ito.
Dahil karamihan sa POGO ay ilegal at ilegal ding nagtatrabaho ang mga taga-China dahil hindi sila nagbabayad ng income tax, malamang sa hindi, itinago nila ang kanilang kababayan na positibo sa COVID-19 sa ating gobyerno.
Hanggang sa matuklasan ng mga awtoridad ang ilegal na hospital sa Pampanga kung saan ginagamot daw ang mga Chinese na COVID-19 positive kaya lalong luminaw ang unang impormasyon na marami sa mga dayuhang ito ang nagpositibo sa virus.
Itinago lang nila sa ating lahat ang mga Chinese na nagpositibo sa COVID-19 na indikasyon na wala talagang paggalang ang mga dayuhang ito sa ating bansa at sa lahing kayumanggi sa kabuuan.
Sabi nga sa mga usapan sa mga viber, bakit wala tayong naririnig na Chinese POGO workers ang nagkakasakit o nahahawa sa COVID-19? Imposible naman na exempted sila sa virus na ito na nagsimula sa kanilang bansa!.
Sabi naman ng ilan, baka mayroon pa rin at hindi sila kasali sa statistic dahil walang access ang gobyerno sa kanila. Hindi nga alam kung ilang daan libo ang nagtatrabaho sa POGO eh.
Kaya noong pumutok ang balita na ang ilegal hospital para sa mga Chinese na COVID-19 patients, tama ang hinala ng mga tao hindi immune sa virus na ito ang mga dayuhan at tama ang hinala natin noon na itinatago nila sa atin ang mga kababayan nilang nagkakasakit. Baka hindi lang yan ang naitayo ng mga dayuhang ito sa ating bansa. Baka may iba pa na hindi pa natutuklasan ng mga awtoridad natin.
Maraming paglabag sa batas ang ginagawa ng mga dayuhang ito sa loob ng ating bansa kaya huwag nating pagtakahan kung bakit nawawalan ng amor ang mga Filipino sa mga ito.
Pero kasalanan din natin kung bakit umaabuso ang mga dayuhang ito dahil alam nila na tiwali ang karamihan (hindi lahat ha?), sa mga opisyal ng gobyerno, noon man hanggang ngayon.
Kung walang korap, hindi makalulusot ang mga dayuhang ito pero dahil marami pa rin ang nabibingi sa kalansing ng pera at nabubulag sa salapi, magpapatuloy ang mga dayuhang ito sa kanilang mga ilegal na gawain sa loob ng ating bansa.
Ang tanong lang ay kung kailan matatapos ang katiwalian at kailan mabubusog ang mga buwaya sa ating lipunan na walang pakialam sa ating bansa at kapwa Filipino basta marami silang pera.
Sana huwag dumating ang panahon na huli na ang lahat bago magising sa katotohanan ang ‘corrupt officials’ na ito na ang bansang hindi nila pinagsilbihan at pinagmalasakitan ay napasakamay na ng China. BERNARD TAGUINOD
143
