HINDI pwedeng kanselahin ang pinaka-aabangang halalan sa Mayo, ayon mismo sa Saligang Batas na nagtatakda ng demokratikong proseso kada anim na taon para sa posisyon ng pangulo at ng pangalawang pangulo.
Subalit may mga tao talagang sadyang matigas ang ulo, sa hangaring manatili sa poder na mangyayari lamang kung ang halalan ay maipagpapaliban.
Sa dami ng petisyong inihain sa Commission on Elections (Comelec), sukdulang kainin nito ang oras na dapat sana’y ibinubuhos sa paghahandang garantiya sa isang tapat, malinis at mapayapang eleksyon.
May mga petisyon sa kanselasyon ng kandidatura, diskwalipikasyon ng aspirante, salpukan ng kontrapelong paksyon, pagpapaliban ng halalan, apela sa pagbabasura ng akreditasyon at maging ang muling pagbubukas sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) na sinopla na ng komisyon.
Bagama’t karapatan ng bawat Pilipino na makibahagi sa prosesong kalakip ng halalan, mayroong ang tanging hangad lang ay magdala ng abala sa pamamagitan ng kabi-kabilang paghahain ng petisyong walang kwenta.
Pero sino ba talaga ang target ng pananabotahe sa likod ng inihaing mga petisyon? Ang totoo, wala kina dating Senador Ferdinand Marcos Jr. na nangunguna sa kabi-kabilang pamumulso sa masa, at Vice President Leni Robredo na nasa malayong pangalawang pwesto, ang puntirya ng mga petisyon.
Ang higit na apektado sa pananabotahe sa eleksyon ay ang masang atat na atat sa pagwawakas ng rehimeng kilala lang sa karahasan at korapsyon.
Kung ang pagbabatayan ay ang Saligang Batas, malinaw ang adyendang isinusulong ng mga utak-talangka – ang pagbusal sa karapatan ng masang makapamili at makapagluklok ng pinaniniwalaang magsusulong sa ikabubuti ng bansa.
Sa isang banda, may katwiran naman ang nagsusulong ng pagpapaliban ng eleksyon. Kasi naman hindi pa sapat ang nakulimbat na koleksyon.
