SA gitna ng pagiging abala ng Pangulo sa hamong dala ng nakamamatay na mikrobyo, tila hindi na namalayan ng Palasyo ang pamamayagpag ng isang malaking sindikatong nambibiktima gamit ang pangalan ng punong ehekutibo.
‘Yan mismo ang napag-alaman ng pamahalaang bayan ng Angono na mas kilala sa mga alagad ng sining sa likod ng mga obra maestrang dibuho.
Sa nakabibighaning bahagi ng Angono ay namayagpag ang FSRC Land Development Corporation na umaangkin sa mga lupang titulado.
Ang diskarte ng grupo, gumamit ng mga pinekeng dokumento mula sa Palasyo, sukdulang pwersahin ang mga taong munisipyo para maglabas ng mga dokumento – assessment at tax declaration na gagamitin sa kanilang panloloko.
Ang siste, mahirap paglalangan ang bayan ng Angono lalo pa’t makailang ulit na rin itong binigyang pagkilala sa husay pagdating sa programa laban sa squatting syndicates na sa kanilang lokalidad ay aktibong aktibo. Sa hangaring tiyakin ang kapakanan ng mga tao, agad na bineripika ang paandar ng sindikato. Ang resulta – tama ang kanilang hinala. Ang nagpapanggap na lehitimong negosyo, isa palang manggagantso.
Sa datos ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), kabilang ang Angono sa mga pinakamahusay na munisipyo sa mga programa at kampanya laban sa mga mapagsamantalang sindikato.
Sa loob ng maraming taon, kinikilala ang bayan ng Angono sa kategorya ng Local Government Practices Against Professional Squatters and Squatting Syndicates.
Ang diskarte ng mga namumuno, pigilan ang sindikato bago pa man ito makaperwisyo. Sa mga pamilyang matagal nang naninirahan sa lugar na saklaw ng mga lupang titulado, sinisikap ng munisipyong gumitna para sa kasunduang walang madedehado. Ang lehitimong may-ari ng lupang titulado, kinukumbinsi na lamang pahulugan sa mga residente ang lupang okupado kesa humantong sa sakit ng ulo sa haba ng proseso kung hahantong pa sa husgado.
Bukod sa FSRC, may dalawang grupo pa ng manggagantso – ang Daup Palad Foundation at mag-asawang kilala sa pangalang Guido.
Pero iba ang diskarte ng Daup Palad Foundation. Kanilang bungad, dangkal-dangkal na pekeng titulo.
At ang mag-asawang Guido? Kanila raw ang Hacienda de Guido na bumabagtas sa mga bayan ng Cardona, Binangonan. Taytay at Angono.
Ang totoo, maraming kumakagat sa patibong ng mga naturang sindikato. Dangan naman kasi pahirap ang proseso ng gobyerno sa murang pabahay para sa pamilyang Pilipino.
Ang solusyon – ipasa sa LGUs ang poder sa mga programang pabahay lalo pa’t sila naman ang nakababatid kung alin sa mga umaangkin ang peke at tunay.
Pero teka, hindi sapat ang puro pangangasiwa ng problema, marapat lang pati pondo sa kanila ipamahala, kalakip ang mahigpit na pagsusuri ng Commission on Audit at iba pang ahensyang mandato’y murang pabahay para sa mga maralita.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
387 