HINDI pa tapos ang sakit ng ulo ng mga bumubuo ng ABS-CBN kahit pinatay na ang kanilang aplikasyon sa prangkisa noong nakaraang linggo dahil plano ng mga mambabatas na ipagpatuloy ang imbestigasyon kabilang na ang diumano’y sabwatan ng nasabing kumpanya at ibang ahensya ng pamahalaan.
Inanunsyo ni House committee on good government and public accountability chairman Jonathan Sy-Alvarado na ipagpapatuloy ng kanyang komite ang imbestigasyon sa mga isyung hindi natapos sa Kongreso.
“Bagama’t tapos na ang usapin sa ABS-CBN [franchise] ang laban po para sa mamamayang Pilipino ay malayo pa ang tatahakin,” pahayag ni Alvarado.
Ipagpapatuloy aniya ng kanyang komite ang pagdinig sa mga usapin sa kuryente na tinukoy ni Anakalusugan party- list Rep. Mike Defensor na mahal dahil nakatali ang kontrata ng Manila Electric Company (Meralco) sa dalawang power plant ng mga Lopez.
Magugunita na isiniwalat ni Defensor sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN na hindi makawala ang Meralco sa kontrata sa First Gas Power Corporation at FGP na pag-aari ng mga Lopez dahil sa 25 years contract na ibinigay sa kanila ng gobyerno noong 1995 at 1999 para mag-supply sa Meralco habang ang kumpanya ay nasa ilalaim pa ng nasabing pamilya.
“Kahit po ang Meralco gustong ibaba ang presyo ng kuryente ay wala silang magagawa dahil nakatali sila sa kontrata,” ani Defensor.
Bukod dito, pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa nasabing komite ang posibleng sabwatan umano ng ABS-CBN, Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya hindi tama ang ibinabayad na buwis ng nasabing kumpanya.
Nais naman ni Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla na ituloy ang imbestigasyon sa Amcara Broadcasting Network matapos mapatunayan sa pagdinig na ang transmitter signal na ginagamit ng mga ito ay pag-aari ng ABS- CBN gayung pinalalabas na blocktimer lamang sila rito.
Hindi na kasama ang House committee on legislative franchises sa imbestigasyon ng Good government and public accountability kahit magkatuwang ang mga ito sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN na kalaunan ay tinabla ng 70 mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
185
