HINDI naitago ni Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Eleazar ang pagkapikon sa aniya’y kabi-kabilang paglabag sa safety protocols ng mga tagasuporta ng mga politikong naghahain ng kani-kanilang kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) designated filing areas.
Ani Eleazar, higit na marapat maging ehemplo sa kanilang mga tagasuporta ang mga nais kumandidato para sa nalalapit na 2022 general elections.
Bagamat, di pa saklaw ng paglabag sa Omnibus Election Code ang mga aniya’y mala-piyenstang pagtitipon dahil sa hindi pa naman sila opisyal na kandidato, mas mainam na pangunahan ng mga politiko ang kanilang mga tagasuporta para tupdin ang mga itinakdang alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay ng banta ng pandemya.
Una nang nagbigay linaw ang Comelec na walang hayagang paglabag ng electioneering o early election campaign ang mga ito, dahil di pa naman opisyal na kandidato ang mga sinusuportahang politiko ng mga tinutukoy na grupong dumadagsa sa takdang lugar para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).
Ayon sa Comelec, ang mga tumatakbo sa 2022 general election ay masasakop lamang ng patakaran sa isyu ng pangangampanya kung nagsimula na ang campaign period.
Paglilinaw naman ni Eleazar, hindi nila hangad na pangunahan ang Comelec o ang umiiral na batas tungkol sa pangangampanya. Ang kanilang pinangangambahan, aniya, ay ang kaligtasan ng mga tagasuporta ng mga politiko.
“Personal akong nakikiusap sa mga kandidato, kasama ang kanilang mga supporters na patuloy ninyong irespeto ang mga patakaran ng Comelec at ng ating pamahalaan tungkol sa public safety sa inyong pag-file ng COC,” saad ng heneral.
Hamon pa ni Eleazar sa mga sasabak sa halalan, ipakita ang kanilang husay sa pagsunod at pagpapasunod sa batas sa kanilang hanay.
“Dahil kung hindi, paano niyo makukumbinsi ang mga botante na magiging epektibo kayong mga lider kung ang simpleng pagdidisiplina sa inyong mga taga-suporta ay hindi ninyo magagawa,” dagdag pa niya. (JESSE KABEL)
167 