SAHOD NG NURSE PINATATAAS SA P50K KADA BUWAN

(BERNARD TAGUINOD)

MAPIPIGILAN ang pag-alis ng mga nurse sa bansa kung mabibigyan sila ng sapat na sahod at benepisyo.

Ito ang nagtulak sa grupo ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso para isulong ang panukalang batas na itaas sa P50,000 ang minimum na sahod ng mga nurse hindi lamang sa pampubliko kundi maging sa mga pribadong pagamutan.

Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 4599 na inakda ng Makabayan bloc, sinabi ng mga ito na kailangang mailapit ang sahod ng mga Pinoy nurse sa mga karatig bansa.

“Increasing their minimum salaries would encourage more nurses to stay in the country and serve the Filipino people instead of working abroad,” ani House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Representative France Castro.

Sa ngayon aniya ay ang Pilipinas ang may pinakamababang sahod ng mga nurse na umaabot lamang ng P35,000 hanggang P40,381 kada buwan habang sa Vietnam ay P62,200 na.

Base rin aniya sa datos ng Economic Research Institute-Powered Company Salary Expert, ang mga nurse sa Singapore ay sumasahod ng katumbas ng P236,000 kada buwan.

Sa Malaysia naman ay nasa P97,000 habang P83,000 sa Thailand, dahilan para mas piliin ng mga Pinoy nurse na mangibang bayan kaysa manilbihan sa bansa.

“It is not true that the country has a shortage of nurses, we simply cannot provide decent salaries and benefits to Filipino nurses to entice them to stay,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa liderato ng Kamara na aprubahan ang nasabing panukala upang hindi na mapilitang umalis ang mga Pinoy nurse na maaaring magdulot ng shortage sa hinaharap.

“Enacting this bill into law recognizes the role and contributions of our nurses who are providing care and saving lives not only during the COVID-19 pandemic. We hope our fellow lawmakers urgently pass this bill into law,” dagdag pa ni Castro.

418

Related posts

Leave a Comment