SALAG-SAWAY

PAGTITIYAK ng Pangulo, walang milagro sa mga transaksyong pinasok ng gobyerno kaya naman bigay todo ang pagtatanggol niya sa mga itinalaga sa pwesto.

Sa hangaring salagin ang mga batikos sa mga alipores na nasa pwesto, sukdulang sawayin ang tagapagsuri at ang Kongreso. Banta pa niya, hindi na niya pasisiputin ang mga ipatatawag ng Senado, dangan naman daw kasi ibinibilad lang sa kahihiyan ang mga ito.

Kakatwang isiping si Duterte ay isang ­abogado. Katunayan, hindi lang daw siya basta abogado – isa rin siyang henyo kaya naman sa mahabang panahon ay nakaiwas siya sa asunto. Pero bakit parang hindi niya alam na ang bawat tanggapan ng gobyerno ay may kanya-kanyang mandato?

Ayon sa mga kritiko, baka raw kasi may itinatago. Sabi naman ng mga senador, takot lang daw mabuko. Ayon naman sa miron, iba ang nagsisiguro. Mahirap na… baka kasi may kumanta sa angkop na tono.

Kamakailan lamang, hayagan ang direktiba ng Pangulo. Aniya sa Senado, tantanan ang imbestigasyon sa mga transaksyon ng gobyerno. Ano nga ulit? Dinidiktahan ba niya ang Senado?

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang ehekutibo, ang lehislatura at ang hudikatura ay “co-equal” branches ng gobyerno. May kanya-kanyang mandato at layang isakatuparan ang trabaho nang hindi sinasaklaw ang isa’t isa.

Ang ehekutibo, nagpapatupad ng polisiya at programa ng gobyerno. Ang lehislatura ang ­bumabalangkas ng mga batas na siyang gagabay sa pagpapatupad nito. Trabaho naman ng hudikaturang dinggin ang mga asuntong isinampa sa kanilang tanggapan – ordinaryong tao, yayamaning oligarko at maging ang taong gobyernong lumabag sa batas na binalangkas ng Kongreso at nilagdaan ng bida sa Palasyo.

Sa imbestigasyon ng Senado sa ­ma­anomalyang kontratang pinasok ng sindikatong pinamumunuan ng amuyong nito gamit ang mga wanted na Tsino, nagpasaring ang Pangulo. ­Aniya, epal lang daw ang mga ito sabay kutya sa buhok ni Lacson at taba ni Gordon.

Walang dudang mahirap ang maging ­Pangulo, kaya naman dapat magbawas na siya ng trabaho. Tumutok sa pandemya. Tugunan ang pangangailangan ng mga naghihingalo – ang tao, ang negosyo, ang integridad ng gobyerno.

Kung ayaw niyang sibakin ang mga tiwali sa pwesto, hayaan ang mga itong sumagot sa mga paglilinaw na hanap ng Senado. Mahal na ­Pangulo, ang pagsalag sa mga gago, hindi bahagi ng inyong mandato.

88

Related posts

Leave a Comment