SALAULA TAYONG MGA PINOY (PART 1)

BAGWIS

Nitong nakaraan na holiday ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na makapamasyal sa mga sikat na pasyalan sa ating bansa.

Pinuntahan natin ang napakagandang bayan ng Banaue at ang mabundok na bayan ng Sagada. Nakapunta rin tayo sa isla ng Bantayan na halos wala nang matuluyang hotel dahil sa dagsa ng mga namamasyal na mga turista.

Sa ating ginawang paglalakbay, dito ko napagtanto na napakarami pa rin talaga sa ating mga kababayan ang salaula at sadyang walang modo. Ang mas masaklap ay mukha namang may mga pinag-aralan ang mga ito at nakakariwasa sa buhay.

Halimbawa na lang noong nasa loob kami ng Sumaguing Cave sa Sagada ay may turistang Pinoy na ating sinita dahil sa panini­garilyo. Masama pa ang tingin sa atin ng gunggong at atubili pang patayin ang kanyang sigarilyo.

Ganyan din ang nangyari habang nasa viewing area kami ng Marlboro Hills upang hintayin ang inaabangang sunrise doon. Walang patumanggang naninigarilyo ang turistang mag-asawa na pawang mga Pinoy din. Kasa-kasama pa naman nila ang kanilang anak.

Hindi ba nila alam na i­pinagbabawal ang panini­garilyo sa anumang pampublikong lugar o nagtata­nga-tangahan lamang ang mga ito? Ang matindi nito ay may nakita rin tayong mga tour guides na sa halip na sitahin ang mga turistang pasaway ay sila pa mismo ang naninigarilyo.

Mukhang malaki rin ang pagkukulang ng local government dito dahil kapansin-pansin na wala tayong nakikitang mga “no smoking” signs sa mga pasyalan at wala rin namang mga itinatalagang mga bantay.

Sandamukal din ang nakita nating mga kalat dahil sa kawalan ng disiplina ng ating mga kababayan. Daig pa ng ilan ang mga hayop ang asal dahil kahit alam na nilang makakasama sa ating kapaligiran ang pagtatapon ng basura ay ginagawa pa rin nila ito.

Ang mas nakakahiya ay hindi ganito ang ugali ng mga dayuhang puti na nakita natin na namamasyal din sa Sagada. Kapansin-pansin na ibinubulsa nila ang kanilang mga napagkainan at maging ang kanilang lagayan ng mineral water kahit wala na itong laman.

Nakakalungkot at nakakahiya dahil tila mas iniintindi pa ng mga dayuhan ang ating kalikasan.  (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

356

Related posts

Leave a Comment