SALN, SANA ALL TOTOO

LAYON ng batas kaugnay sa paglalabas ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na lahat ng taong gobyerno – halal man o itinalaga sa pwesto, na isapubliko nang buong katapatan ang kanilang tunay, ­detalyado at sinumpaang deklarasyon ng kung ano man ang mayroon sila.

Subalit ilan nga ba talaga ang nagsasabi ng buong katotohanan? Walang katiyakan pero ang sigurado, marami sa kanilang isinumiteng SALN ay pawang “areglado” sa hangaring itago ang yamang mahirap patunayang kinita sa legal na paraan.

Sa hanay ng mga senador, lumabas (gaya ng inaasahan) na pinakamayaman si Senador Cynthia Villar na may yamang P3.875 bilyon. Kung tutuusin tuldok lang ang nasabing halaga ­kumpara sa idineklarang yamang lumabas sa Forbes Magazine kung saan sinasabing ang kanyang kabiyak na si dating Senador Manny Villar ang pinaka­mayaman sa buong Pilipinas.

Hindi rin naman nakakapagtaka ang P349.7 ­bilyon ni Villar lalo pa’t malawak at sadyang kumikita ang kanyang mga negosyo, kabilang ang real estate, malls at iba pa.

Ang nakakapagtaka ay kung bakit hindi nagtutugma ang deklarasyon ng mag-asawa sa yamang kung tutuusin ay conjugal wealth.

Pumangalawa kay Villar si Manny Pacquiao na may yamang P3.187 bilyong aniya’y mula sa kita a pagboboksing. Pumangatlo naman si Ralph Recto (P581M), at sinundan nina Juan Miguel Zubiri (P220.7M), Ramon Bong Revilla Jr. (P179.9M), Sonny Angara (P150.8M), Franklin Drilon (P106.8M), Grace Poe (P101.3M), Sherwin Gatchalian (P91.2M), Vicente Sotto (P85.6M), Pia Cayetano (P84.5M), Richard Gordon (P77.5M), Lito Lapid (P74.9M), Francis Tolentino (P59.8M), Nancy Binay (P59.7M), Panfilo Lacson (P58.3M), ­Aquilino Pimentel lll (P37.2M), Imee Marcos (P36.2M), Ronald “Bato” dela Rosa (P34.8M), Joel Villanueva (P33M), Kiko Pangilinan (P23.9M), Bong Go (P22.2M), at Leila de Lima (P9.5M).

Teka… si Bong Go, pangalawa sa pinakapobreng senador? Mas may pera pa sa kanya si Bato? Hindi nga ba’t mismong ang Pangulo ang nagsabing napakayaman ng dati niyang alipores? Anyare?

Ang totoo, walang naniniwala sa deklarasyon ng mga senador pero mas mainam na rin siguro ‘yan kaysa sa Pangulo na ilang taon nang nagmamatigas na isapubliko ang kanyang SALN.

‘Yan din marahil ang ikinatatakot ng Palasyo, kaya naman, sino man sa Malakanyang ay tikom ang bibig hinggil sa totoong yaman ng Pangulo.

Katwiran siguro ng Palasyo, sa SALN nalaglag ang dalawang dating punong mahistrado kaya posible nga namang mangyari din ito sa Pangulo. At pag nagkataon, patay ang negosyo!

159

Related posts

Leave a Comment