PINALAKAS ang ugnayan ng pulisya at komunidad matapos ilunsad ang NAPOLCOM SALUDO Hotline sa Quezon Convention Center sa Lucena City nitong Pebrero 19.
Pinangunahan ito ng National Police Commission (NAPOLCOM) CALABARZON katuwang ang Quezon Police Provincial Office at mga hepe ng bawat bayan upang hikayatin ang publiko na magpahayag ng papuri at positibong ulat hinggil sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP).
Dumalo rin ang mga kinatawan ng Association of Barangay Captains, People’s Law Enforcement Board, homeowners’ associations at iba pang community stakeholders.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director PCOL Romulo Albacea, mahalaga ang hotline upang mapalakas ang pakikipagtulungan ng komunidad at matiyak na kinikilala ang mga pulis na nagsisilbi nang may integridad at propesyonalismo.
Inaasahang magdudulot ito ng mas mataas na accountability at mas epektibong community-oriented policing sa buong lalawigan.
(NILOU DEL CARMEN)
9
