BAGONG sigla sa mga magniniyog sa Lagonoy, Camarines Sur matapos makakuha ang Sipaco Agriculture Cooperative (SACOOP) ng ₱1.5 milyong pautang mula sa Land Bank of the Philippines sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon sa DAR, ang pondo ay magbibigay ng sapat na puhunan upang mapalago ang produksyon, mapahusay ang ani at madagdagan ang kita ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ayon sa ahensya, binubuo ang pautang ng ₱1 milyon sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development (CFID) Credit Program at ₱500,000 sa pamamagitan ng Accessible Loan for Empowered, Resilient, and Transformed Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ALERT-ARBO) Program.
Sinabi ni DAR Provincial OIC Rodel C. Martirez na makatutulong ang loan sa pagbili ng farm inputs at pagpapalakas ng produksyon.
“Makakatulong ito sa pagbili ng mga farm inputs, pagpapalakas ng produksyon, at pagbibigay ng mas maayos na kabuhayan sa ating mga magsasaka,” ani Martirez.
Isinagawa ang loan processing alinsunod sa adbokasiya ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang matiyak na may access sa puhunan ang mga ARBs.
(PAOLO SANTOS)
14
