TARGET ni KA REX CAYANONG
MAHALAGA ang papel ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Ang nalalapit na Charity Summit 2025 na gaganapin sa Manila Hotel ay hindi lamang pagtitipon ng mga opisyal at institusyon, kundi isang malinaw na pahayag na mas malayo ang mararating ng pagtutulungan kaysa nag-iisang pagkilos.
Ang tema ng summit na “Serving More Through Greater Collaboration” ay akmang-akma sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Sa harap ng iba’t ibang suliranin—mula kalusugan, edukasyon, at sakuna—hindi sapat na isa lang ang kumikilos.
Kailangang magsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga organisasyon tulad ng PCSO upang mas maraming Pilipino ang matulungan.
Mahalagang pakinggan ang mga ulat ng PCSO at ng iba pang katuwang na ahensya gaya ng PhilHealth at DSWD.
Ang kanilang mga programa ay diretsong nakakaapekto sa mga ordinaryong mamamayan—mula sa libreng gamot at medikal na tulong, hanggang sa mga serbisyong panlipunan at pangkalusugan.
Kaya ang pagbabahagi ng kaalaman at karanasan sa summit ay isang paraan upang mapabuti at mapalawak pa ang mga programang ito.
Hindi rin matatawaran ang simbolikong “Handprints on the Commitment Wall.” Ito ay paalala na ang serbisyo publiko ay nangangailangan ng tunay na panata at hindi lamang salita. Ang bawat lagda at handprint ay nagsisilbing pangako na hindi iiwan ang bayan sa oras ng kagipitan.
Sabi nga, ang tunay na sukatan ng anomang summit ay hindi ang dami ng dumalo o laki ng lugar na pinagdarausan, kundi kung gaano karaming Pilipino ang matutulungan at maiangat ang buhay pagkatapos nito.
Nawa’y maging daan ang Charity Summit 2025 upang mas mapalalim pa ang diwa ng bayanihan at malasakit.
