KOMEDYA, “BANYUHAY” SA SENADO

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

NAGULANTANG ang buong bansa sa dalawang malaking pangyayari sa Senado nitong nakaraang Lunes. Ang isa ay itinuturing kong komedya ng mga payaso at ang pangalawa naman ay isang makabuluhang pagbabago.

Bakit hindi ko babansagang komedya? Sa naganap na hearing noong umaga ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Senador Rodante Marcoleta, dumalo ang mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya II and Cezarah “Sarah” Discaya, ang kontrobersyal na kontratista na nakakopo ng multi-bilyong pisong proyekto sa DPWH partikular sa mga flood control.

Sa siyam na pahinang sinumpaang salaysay ay isiniwalat ni Discaya ang pangalan ng ilang opisyales ng DPWH, ilang mga kongresista hanggang kay Speaker Martin Romualdez at sinabing ang mga ito ay pawang humingi umano sa kanila ng milyon-milyong piso bilang kickback sa pondo ng proyektong gagawin ng kanilang kumpanya. Tulad ng inaasahan, kanya-kanyang tanggi ang mga isinabit, kesehodang may katotohanan o wala ang alegasyon.

Pero bakit naging komedya? Putsa! Sa kalibre ng mga Discaya na tinatawag na “flood control projects king and queen”, ang gusto nilang palabasin sa kanilang pahayag ay biktima lang sila ng mga korap sa gubyerno?

Ito ang isang parte sa salaysay: “Sa kalaunan, ang kumpanya namin ay nananalo sa mga biddings sa mga proyekto sa national government sa pamamagitan ng patas na bidding. Ibinuhos namin ang lahat ng aming pagsisikap para maipakita ang kakayahan ng aming kumpanya na mayroong maayos na paggawa, dekalidad na resulta, at natatapos sa tamang oras”.

Patas na bidding? Maayos? Dekalidad? Nasusuka ako. Pwe!

Ito pa ang isa: “Sabi nila, dapat tanggapin namin ang reyalidad na dapat kaming magbayad sa mga mambabatas kung gusto pa naming magpatuloy na magkaroon ng projects sa gobyerno. Kung hindi, binabala nila na matatanggal sa listahan ang kumpanya namin at hindi na makakakuha ng kahit anong proyekto”.

Bigtime na contractor sa DPWH, ginigipit? Isa itong malaking boladas! Nagpapaawa lang sila. Sa kalibre ng mga Discaya, kaya nilang patalsikin ang sinomang tauhan o opisyales ng DPWH nang hindi sasayaw sa kanilang tugtog dahil limpak-limpak na salapi ang ipinangsusuhol nila hanggang itaas!

Ito ang isa pang garapal na pagpapaawa: “Hindi namin ginusto kailanman na mapasama sa ganitong sistema, pero kailangan naming magpatuloy para sa pamilya at mga empleyado. Dahil naiipit na ang aming negosyo, lumulubog na kami sa lumalaking utang ng kumpanya, at peligro sa buhay ng aming pamilya, napilitan kaming makisama sa kalakaran kahit labag sa aming kalooban”.

“Paulit-ulit kaming ginamit ng mga nasa pwesto sa sistemang ito,” dagdag pa ng mga Discaya.

Lulubog ba sa utang ang may mala-palasyong bahay at hilera ng mahigit na 40 mamahaling imported na sasakyan na nagkakahalaga ng daang milyong piso, na ang lawak ng garahe ay kagaya ng malaking shopping mall? Na ang halaga ng mga personal na mga ari-arian kasama na ang naipong kwarta, ay tinatayang aabot sa multi-bilyong piso?

Pagkatapos na ilarawan ang kanilang sarili bilang biktima, may kapal pa ng mukha na humingi ng proteksyon sa gobyerno at nagpiprisentang maging state witness laban sa mga korap sa gobyerno?

TANGA ang sinomang awtoridad sa pamahalaan kung kakagatin ang alok ng mga Discaya. Gusto lang nilang takasan ang mga nakaambang kasong kriminal na haharapin nila. Ito ang tunay nilang motibo sa kanilang madramang kuwentong komiks. Komedya o sirkus ang naganap at may korap sa Senado na kumita ng pera.

Pero habang nagaganap ang komedya sa hearing, kasabay namang gumugulong ang isang mabilis na pangyayari na nagresulta sa mala-kudetang pagpapatalsik pagsapit ng hapon kay Senador Francis Escudero bilang pangulo ng Senado.

Ang mga senador na dating nasa minority ang siya ngayong hahawak ng timon sa Senado sa ilalim ng bagong pamunuan ni Senador Tito Sotto bilang Senate president. Kasabay nito ay sinibak din si Marcoleta bilang chairman ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee at pinalitan ni Senador Panfilo Lacson na siya ring uupo bilang Senate President Pro Tempore.

Magkakaroon ng “banyuhay” o bagong anyo ng buhay ang Senado sa gitna ng mga tuligsa sa dating pamumuno ni Escudero.

Marami na ang nininerbyos sa bagong liderato ng Senado. Isa na si Vice President Sara Duterte. Tiyak na muling mabubuhay ang kanyang impeachment case. Abangan!

##########

IBANG KLASE talaga si Cardinal Pablo Virgilio David, kilala bilang si “Bishop Ambo” ng Diocese ng Caloocan at pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Kapag siya ang nagpapahayag kaugnay sa anomang nagbabagang isyu sa bansa, diretsuhan, walang kiyeme-kiyeme.

Sa isang pastoral letter na inilabas ng CBCP kamakailan na nilagdaan ni Bishop Ambo, sinabi niya ito: “Sa kasalukuyan, sabayang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kongreso tungkol sa mga ma-anomalyang proyekto ng flood control. Pero kailangan nating itanong: paano ito magiging kapani-paniwala kung ang mismong mga institusyon na nagsisiyasat ay may kinalaman din? Sino ba ang nagpasok ng mga proyektong ito bilang pork barrel sa pambansang budget—madalas kapalit ng pondo para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan?”

Dagdag pa niya: “Sa mga nakaraang hearing, sa mga kontratista lang ibinato ang sigaw na “Mahiya naman kayo!” Pero dapat kasama sa kahihiyan ang lahat: mga mambabatas, district engineer, government auditor, at mga padrinong politiko. Pati na rin ang mga pribadong kontratista at financier na nakikipagsabwatan sa raket na ito. Matindi pa ring totoo ang salita ng propetang Isaias: “Ang mga pinuno ninyo’y suwail, kaalyado ng mga magnanakaw; mahilig sila sa suhol at habol ng regalo.” (Isaias 1:23)”.

Si Bishop Ambo ay isa sa iilang matapat na alagad ng Panginoong Diyos sa bansa. Siguro ay napupuna rin ninyo na bakit bihirang lider ng iba’t ibang relihiyon ang nagsasalita laban sa dekwatan at katiwalian sa pamahalaan? Bagama’t merong ilang matatapat ang bumabatikos sa mga anomalya sa gobyerno ngunit mabibilang sila sa daliri. Ang namamayani ay ang katahimikan at garapalang dedmahan.

Bakit? Baka kasi hindi na mag-abuloy ng malaking pera sa anomang proyekto ng simbahan ang mga korap na opisyales ng pamahalaan at kakutsaba nila. Baka hindi na magregalo ng salapi, mamahaling alak o anomang marangyang bagay kapag birthday nila. Baka hindi na makahingi ng pabaon kapag pupunta sa ibang parte ng Pilipinas dahil may dadaluhang pagtitipon o lalabas kaya ng bansa na may kasamang pamamasyal at pagsusugal sa casino. Yes! May gumagawa nito. Ito ang nakatagong katotohanan.

Ang panawagan nga ni Bishop Ambo: “Mamuhay nang simple, iwasan ang labis. Sa ating mga lider sa gobyerno, negosyo, at simbahan, nananawagan kami: talikuran ang luho at walang habas na konsumerismo, at yakapin ang simpleng pamumuhay at pakikiisa sa mahihirap.”

Sana, sana…may makinig. Kung wala at dededmahin lang – MAHIYA NAMAN KAYO!

Dapat na tandaan ng taong-bayan. Ang nakawan sa gobyerno ay araw-araw. Walang Sabado, Linggo o piyesta opisyal dahil walang sinasanto ang mga manderekwat kaya lalong naghihirap ang ating bansa.

Kailan natin ito wawakasan?

45

Related posts

Leave a Comment