AYAW umanong lisanin ni dating District Engineer (DE) Henry Alcantara ang Bulacan First District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa laki ng pondong dumadaloy dito.
Ito ang isiniwalat ng dating Officer-in-Charge (OIC) District Engineer Brice Ericson Hernandez sa pagharap niya sa House Committee on Public Works and Highways (Infra Committee) na nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa flood control projects sa Bulacan at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Hernandez, nakatrabaho niya si Alcantara noong 2019 nang italaga itong District Engineer ng Bulacan First. Aniya, nakita niya kung gaano ka-“authoritative” ang dating opisyal, dahilan upang sundin niya ang lahat ng utos nito.
“So for me, masakit mang tanggapin, kailangan ko sumipsip sa boss ko. Ginawa ko lahat ng sinabi niya, lahat ng gusto niya, sinusunod ko. In short, pinagkatiwalaan niya ako,” ani Hernandez.
Dahil dito, umangat umano ang kanyang posisyon mula Engineer II hanggang maging hepe ng Construction Section noong 2021, at Assistant DE noong 2022.
Noong 2025, sinabi ni Hernandez na matagal nang pinupusuan si Alcantara na ma-promote, ngunit tumanggi ito dahil ayaw niyang iwan ang Bulacan. “Ang bargain po niya ay kung gagawin siyang Assistant Regional Director, dapat ako ang District Engineer para kontrolado pa rin namin ang opisina,” ani Hernandez.
Nang tanungin ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin kung bakit ayaw tanggapin ni Alcantara ang promosyon, tugon ni Hernandez: “Ito po lagi niyang sinasabi sa staff meeting… na ito na ang comfort zone niya, taga-rito na siya, at malaki ang pondo ng opisina namin.”
Bago sumabog ang isyu ng anomalya sa flood control projects sa Bulacan—na personal pang tinungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—Assistant Regional Engineer na si Alcantara sa Region IV-A. Kalaunan ay sinibak siya ni DPWH Secretary Vince Dizon dahil sa kontrobersiya.
Sa naturang pagdinig, hinamon ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno si Alcantara na lumagda ng waiver sa Bank Secrecy Law para patunayan ang kanyang pahayag na malinis siya. Tumanggi si Alcantara. “Wala naman po akong tinatago, Your Honor, pero karapatan ko pong hindi pumirma ng waiver,” aniya.
Tumanggi rin siyang lumagda ng waiver para matingnan ng komite ang mga text message at iba pang nilalaman ng kanyang dalawang cellphone.
Ipinakita naman ni Hernandez ang isang larawan ng bulto-bultong pera na umano’y komisyon mula sa flood control projects na idinedeliver sa mga politiko.
“In fact, there’s one incident that was mentioned by Sally Santos in the Senate na ₱245 milyon, yung isang natatandaan niya na ibinigay niya sa iyo. Tama po ba?” tanong ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong. Sagot ni Hernandez: “Yes, Your Honor. Approximately.”
(BERNARD TAGUINOD)
138 