CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMI ang naniniwalang swerte ang hatid na mga petsang palindromo.
Pambihirang mangyari ito kaya bubuwenasin ka.
Swerte nga ba ang tao sa mga petsang espesyal ang porma? May dala ang Mayo 2025 ng naiibang 10 sunod-sunod na palindrome dates.
Pareho kasi ang basa pasulong o pabalik.
Heto ang mga petsang palindromo:
5/20/25
5/21/25
5/22/25
5/23/25
5/24/25
5/25/25
5/26/25
5/27/25
5/28/25
5/29/25
O, ‘di ba, basahin man mula dulo ay nananatiling pareho ang basa?
Pasulong o paatras ay ganun pa rin ang pagkakasunod ng mga numero.
Sampung buwenas na araw ‘yan. Sampung araw na makabuluhan at simboliko.
Paalala lang, hindi kalendaryo ang magbubuklat at magdidikta ng inyong kapalaran.
Teka, hindi lang petsa o numero ang sakop ng palindrome – kasama rito ang kataga gaya ng asa at alaala. Baligtarin-salita nga.
Malamang, asa pa rin ang taumbayan na tutuparin ng mga nanalo sa halalan ang kanilang pangako nung sila ay nangangampanya.
Nasa alaala na ‘yan na mahirap nang mapuknat.
Sana naman, ‘yung gasgas nang “ang pangako napapako” ay tuluyan nang mabura. Gasgas na eh, kaya dapat tuluyan nang ipako at isara.
Pero, malabong mangyari na uunahin ng ilan ang interes ng mamamayan. Hindi maisasantabi na mawawala ang kultura ng korupsyon. Hindi mawawala sa ilan na pangibabawin ang pansariling kapakinabangan.
Asa na lang ang mga kababayan natin na magbabago na ang timpla ng pulitika at ng mga lider.
Baliktarin man ang basa sa asa ay asa pa rin ang labas, ngunit kapag ang asa sa tao ay nabaliktad ito ay disgrasya.
Sana huwag maging palindromo ang mosyon ng mga nagpapalakad ng gobyerno. Pasulong lang, ‘wag paatras.
Asa na lang ang mamamayan na sisikapin ng mga lider na isulong ang tamang gawa.
Mahirap gawin?
o0o
Balik na ang No Contact Apprehension Policy o NCAP, na sisimulang ipatupad muli ng MMDA ngayon, Mayo 26.
Dati nang ipinatupad pero ipinatigil ito sa bisa ng temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema noong 2022.
Hi-tech na pala ang panghuhuli ng mga lumalabag sa batas trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. May AI na raw ang gagamiting CCTV camera.
Sumunod na lang tayo sa batas trapiko. Baka mabigla na lang kayo na may notice ng paglabag na kakatok sa inyong pintuan.
Naku, apurahin na dapat ang paglilipat ng rehistro ng segunda manong sasakyan para sakaling lumabag sa batas trapiko ang nakabili ay hindi sa dating may-ari ipadala ang abiso.
Iwas-perwisyo!
