VIADO KAPIT-TUKO SA BI

BISTADOR ni RUDY SIM

“KAPAL.” Ito ang reaksyon ng ilang ordinaryong empleyado ng Bureau of Immigration (BI) makaraang sa kabila ng panawagan ni PBBM ng pagbibitiw ng lahat ng miyembro ng ganyang gabinete kabilang ang lahat ng hepe ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay tila nananatiling kapit-tuko sa puwesto si Commissioner Joel Viado at hindi pa rin nagsusumite ng kanyang resignation letter.

Bilang pagsunod sa utos ng Pangulo kahit masakit sa kalooban, ay nauna nang nagsumite ng resignation letter ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Boying Remulla na siyang may under agency sa BI, na sinundan pa ng ka level ni Viado na si NBI Director Jaime Santiago noong Biyernes ng gabi. Maging ang Commissioner ng BIR at Bureau of Customs ay nagbitiw na rin.

Ganito ba kakapal at katigas ang pagmumukha ni Viado para hindi sundin ang utos ng Pangulo o sadyang may sinasandalan pa ito na malapit sa first family at tiwalang hindi ito magagalaw? Nasarapan na kaya itong si Kume kung kaya’t naka-rugby na ang kanyang tumbong sa kanyang trono kaya ayaw nang umalis?

Marami sa mga kawani ng BI ang dismayado sa pamamalakad ni Viado kung saan ay tila wala itong kontrol upang mapatigil ang matagal nang bulok na nangyayaring katiwalian sa ahensya maging ang pagbagsak ng koleksyon kung saan ay unang apektado ang augmentation pay ng mga empleyado na nabawasan ng 20% sa kanilang suweldo na malaking kabawasan lalo’t lumalaban nang patas upang hindi mabahiran ng mantsa ang kanilang uniporme.

Paulit-ulit natin ipinanawagan kay Viado ang ilegal na gawain ng ilang opisyales ng detention center ng BI sa Bicutan, kabilang ang “Ice Room” na nagsisilbing air conditioned detention para sa bigating inmates na nagbabayad ng malaking halaga kada buwan at maging ang pagpasok ng alak at sigarilyo na hindi lang triple ang presyo, ngunit taliwas sa pobreng mga dayuhang walang pera na kahit overstay lang ang kaso at qualified na mapagbigyan ng kalayaan lalo’t ilan sa mga ito ay may pamilyang kababayan natin, na siya ring nasa batas ng immigration.

Sa nag-viral na expose natin kamakailan tungkol sa Korean fugitive na pinatakas ng mga tauhan ni Viado, ay tanging ang mga nagpatakas ang nasibak sa tungkulin kasama ang deputy warden na si Barlaan pero bakit hindi nagalaw ang warden at mismong si Viado for command responsibility?

Balita natin ay maugong umano sa Bicutan na marami ritong mga nakakulong na Chinese nationals na involved sa POGO, ang tila ginawa nang negosyo ang pagpapalabas sa kanila sa pamamagitan ng piyansa… Hmm… Magkano? Alam kaya ito ng Palasyo ng Malacañang? Hindi ba’t mahigpit na ipinag-utos ni PBBM na i-deport ang lahat ng Chinese na kabilang sa illegal POGO workers? Anyare? Mr. President, kailangan mo ngayon ng kamay na bakal, ipakita mo sa taumbayan na seryoso kang sibakin ang mga tiwali at unahin mo itong si Viado.

Abangan pa ngayong linggo ang malaki nating pambibisto sa mga kumag na tiwali sa BI.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

126

Related posts

Leave a Comment