ININSPEKSYON nina Philippine National Police Chief, P/Gen. Guillermo T. Eleazar at Quezon City Police District Director P/BGen. Antonio C. Yarra ang iba’t ibang distribution sites ng Social Amelioration Program ‘Ayuda 2’ noong Agosto 11 sa nasabing siyudad.
Kabilang sa inisyal na napuntahan ni Eleazar ay ang Benigno Aquino Elementary School sa Commonwealth, Quezon City kasama si P/Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, Deputy chief, PNP for Operations, at ang commander ng Batasan Police Station (PS-6) na si P/Lt. Col. Alexy Sonido.
Binisita rin ng PNP chief ang iba pang distribution sites upang matiyak na naipatutupad nang maayos ang seguridad ng itinalagang mga pulis sa pamamahagi ng ayuda, at nasusunod ang minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
“Pinapaalalahanan ko po ulit ang publiko lalo na ang ating beneficiaries sa pagkuha ng kanilang SAP, panatilihin pa rin ang physical distancing at sundin ang public health standards para makaiwas sa mas nakahahawa at nakamamatay na COVID-19,” ani Yarra.
“Ginagawa din natin ito bilang pagsuporta sa ating Quezon City Local Government Unit (QC LGU) sa pamumuno ng ating Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte upang mas mapadali at maging maayos ang proseso ng pamimigay ng ayuda,” dagdag pa ng opisyal.
Lumabas naman sa pangkalahatan na naging maayos ang pamamahagi ng ayuda ng Quezon City para sa kanilang mga residente. (JOEL O. AMONGO)
