SAPAT NA PAGKAIN, STABLE NA PRESYO TINIYAK SA GITNA NG OIL PRICE HIKES

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa at nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng umiiral na pandaigdigang hamon.

Ito ay matapos inspeksyunin ng Pangulo ang distribution center ng Century Pacific Food Inc. sa Calamba, Laguna.

“Ang supply ay hindi kailangan na mag-alala ang taong-bayan. Ang food supply natin ay sapat kahit na pangmatagalan,” ayon sa Pangulo.

Dagdag pa niya, nangako ang mga manufacturer na hindi magtataas ng presyo ng kanilang produkto sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.

Layunin ng pamahalaan na mapanatili ang sapat na suplay at stable na presyo sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon sa mga supplier at producer.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang Century Pacific kundi maging iba pang food processors ang nagbigay ng parehong katiyakan sa gobyerno.

Samantala, tiniyak ng kumpanya na sapat ang kanilang imbentaryo at kapasidad sa produksyon sa kabila ng epekto ng global tensions sa presyo ng langis at shipping costs.

Mayroon itong pitong manufacturing hubs at 26 na bodega sa buong bansa, kabilang ang distribution center sa Laguna na may kapasidad na 1.1 milyong kahon o katumbas ng 36 milyong lata ng pagkain.

Patuloy namang babantayan ng pamahalaan ang suplay at presyo ng pagkain upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.

(CHRISTIAN DALE)

90

Related posts

Leave a Comment