Sapat na tulong sa mga nasalanta ng bagyong Ramil sa Capiz pinatitiyak ni PBBM

CAPIZ – Sa gitna ng pagbangon ng mga residente mula sa pananalasa ng bagyong Ramil ay tiniyak ni Special Assistant to the President (SAP) Antonio F. Lagdameo Jr. na patuloy umano ang tulong ng administrasyong Marcos sa lalawigan ng Capiz hanggang tuluyang makabalik sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan.

“Hindi po kayo nakakalimutan ng ating Pangulo. Narito po kami upang personal na makita ang inyong kalagayan at tiyakin na maipararating agad sa kanya ang lahat ng inyong mga pangangailangan,” pahayag ni Lagdameo sa kanyang pagbisita sa Capiz nitong Oktubre 23, bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Lagdameo, kabilang sa mga agarang hakbang ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasakang lubos na naapektuhan ng bagyo, lalo’t panahon ng ani. Inihahanda ng Department of Agriculture ang pamamahagi ng mga binhi ng palay at iba pang tulong sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program, pati na rin ang crop insurance para sa mga kwalipikadong magsasaka.

Dagdag pa niya, nakaalerto rin ang Department of Health at mga ospital sa lalawigan upang matugunan ang mga kagyat na pangangailangang medikal. Sa tulong ng ahensya, ipamamahagi ang mga kinakailangang gamot at suplay, kabilang ang mahigit 85,000 capsules ng Doxycycline Hyclate, 2,000 tablets ng Troclosene Sodium, at mga hygiene at mental health kits.

Sa usapin ng ayuda, iniulat ng Department of Social Welfare and Development na nakapagbigay na ito ng ₱20.74 milyon halaga ng tulong, kabilang ang 24,809 family food packs at 1,858 ready-to-eat foods. Mayroon ding nakalaang ₱3 milyon standby fund at ₱63.34 milyon na halaga ng stockpile para sa mga karagdagang pangangailangan.

Kasabay nito, tiniyak naman ng Department of Public Works and Highways na passable na sa lahat ng uri ng sasakyan ang limang pangunahing kalsada sa Capiz, habang isinasagawa ang masusing pagsusuri sa mga estruktura ng imprastraktura. Wala umanong naiulat na pinsala sa mga tulay, flood control structures, o mga gusaling pag-aari ng pamahalaan.

Samantala, ganap nang naibalik ang suplay ng kuryente sa lalawigan sa tulong ng Department of Energy at National Electrification Administration at Capiz Electric Cooperative Inc.

Sa sektor naman ng edukasyon ay nagsagawa ng mabilis na damage assessment ang Department of Education at natukoy ang 146 na silid-aralan na tuluyang nasira, 64 na may major damage, at 312 na may minor damage. Pinoproseso na rin ang pondo para sa cleanup at minor repairs ng mga paaralan.

Para naman sa mga nawalan ng tirahan, nagkaloob ang Department of Human Settlements and Urban Development ng 250 shelter-grade tarpaulins at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga benepisyaryo ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, pinangakuan ni Lagdameo ang mga taga-Capiz ng tuloy-tuloy na suporta mula sa gobyerno:

“Sa ngalan ng ating Pangulo, gagawin namin ang lahat upang makabangon muli ang Capiz. Hindi po kayo iiwan ng pamahalaan.

33

Related posts

Leave a Comment