KINALAMPAG kahapon ng 39 bangkero ang Korte Suprema para hilingin ang agarang pagpapalabas ng pinal na desisyon sa kaso ni dating Pagsanjan, Laguna Mayor E.R. Ejercito.
Nagsagawa ng kilos-protesta ang naturang grupo sa harapan ng gusali ng Supreme Court sa Padre Faura St., Ermita, Manila.
Binigyang-diin ng lider na si Rojelio Allas ng United Boatmen of Pagsangjan Inc., aabot sa 1,974 ang kanilang miyembro na pinagsamantalahan ng kasalukuyang elected mayor na si Emilio Ramon Pelayo Ejercito III sa katatapos lang na 2025 midterm elections.
Giit ni Allas, taong 2008 pa itong kaso kung saan halos 48 pesos ang kanilang arawang ibinibigay na umabot na sa P68 milyon, na nakuha ng insurance ni Ejercito.
Layon ng kanilang pagtungo ang hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na mapabilis ang proseso upang makapaglabas agad ito ng pinal na desisyon at implementasyon sa kasong kanilang isinampa patungkol sa graft and corruption na kinakaharap ni E.R. Ejercito kaugnay sa anomalyang kasunduan sa insurance na ipinasa noong siya ay mayor ng Pagsanjan, Laguna.
Nabatid na naghain si E.R. Ejercito ng mosyon sa Korte Suprema na nagdulot ng pagkaantala sa implementasyon ng hatol na ipinataw sa kanya kaugnay ng anomalous na kasunduan sa insurance, na nagbigay pagkakataon na ipaglaban ang kanyang kaso sa mas mataas na hukuman.
Ito’y matapos siyang hatulan ng Sandiganbayan ng 6 hanggang 8 taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Siya ay nagsampa ng petisyon para sa certiorari, na naglalayong kuwestyunin ang desisyon ng Sandiganbayan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng kanyang patuloy na pakikibaka sa mga kasong legal na kinasasangkutan niya, na nagbigay-diin sa mga isyu ng graft at corruption sa lokal na pamahalaan.
(JULIET PACOT)
