NATIMBOG ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang mga miyembro ng Cerbito – Fernandez organized crime group matapos maglunsad ng malawakang operasyon laban sa mga ito.
Ayon kay NCRPO chief P/MGen. Vicente D. Danao Jr., sumuko noong Hunyo 30 sa NCRPO ang kanilang ‘person of interest’ na umano’y gumagamit sa pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio sa pangangalap ng pondo para umano sa kanyang kampanya sa eleksyon sa 2022.
Sa pahayag, sinabi ni Danao na nagpapanggap bilang si Davao City Assistant Administrator Atty. Tristan Dwight Domingo ang suspek, gamit ang mobile number na 09260241365.
Samantala, ipinadedeposito naman ang mga kinukolektang pera sa BPI, RCBC, at PNB account nina Kristian Acero, Rezelyn H. Nemenzo at Richard C. Yu.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng pamahalaang lokal ng Davao ang agarang pag-aksyon ng NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Sa pahayag na inilabas ng Davao Public Information Office, kinilala at pinasalamatan ni Mayor Sara Duterte ang ginawang diskarte ng NCRPO upang mahuli ang mga miyembro ng itinuturing na organized crime group.
Batay sa imbestigasyon, napag-alaman na may kanya-kanyang papel sa panloloko ang mga suspek na kinilalang sina Patrick Orinio Cerbito na kilala rin bilang Patrick Fernandez, Ramon Segundo, Antonio Cerbito alyas “Duds,” at Anthony Segundo alyas “Papsie”.
Ang operasyon ng NCRPO ay nag-ugat sa ulat ni P/Col. Kirby John B. Kraft, City Director of Davao City Police Office, kaugnay sa scam na ginagamit ang mga opisyal ng pamahalaan kapalit ng pangakong tulong sa negosyo, gayundin sa pangongolekta ng pondo para sa humanitarian projects tulad ng community pantry na hindi naman nangyayari.
Lumutang din sa imbestigasyon na ang grupo ay nambibiktima sa buong bansa at nakatarget na ng 209 opisyal sa gobyerno at mga pribadong kompanya.
Ang mga suspek ay nagpapanggap gamit ang Viber at Facebook, nagte-text at tumatawag sa mga kontraktor at supplier sa Davao, Dumaguete, Iloilo, Batangas, Laguna, Quezon, Negros Oriental, Cabanatuan City, Tarlac, Pangasinan, Cagayan, Leyte, Baguio at sa iba pang rehiyon upang manghingi ng pinansyal na suporta para sa darating na eleksyon.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong syndicated estafa na may kaparusahan batay sa Section 1 ng Presidential Decree 1689 na may kaugnayan sa Article 315 ng Revised Penal Code.
