WALA nang nagisnang umaga ang isang national athlete na miyembro ng Philippine Air Force nang pagsasaksakin ito habang natutulog sa bahay ng isang barangay kagawad nitong Martes ng madaling araw sa Calapan City sa Oriental Mindoro.
Patay ang biktimang si Mervin Maligo Guarte, 33, Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist, at miyembro ng PAF nakatalaga sa Fernando Air Base sa Lipa City.
Nagawa pang maitakbo si Guarte sa Sta. Maria Village Hospital bago inilipat sa Mindoro Medical Center kung saan siya idineklarang patay.
Lumitaw sa imbestigasyon, nangyari ang krimen sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City, bandang alas-4:30 ng umaga, ayon kay Lt. Col. Roden Fulache, hepe ng Calapan City Police.
Natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nanalo si Guarte ng dalawang silver medal noong 2011 Southeast Asian Games para sa men’s 800-meter and 1500-meter events sa track and field. Matapos nito, lumipat siya sa obstacle racing kung saan nanalo siya ng ginto noong 2019 SEA Games sa men’s 5km. Parte rin siya ng team na nanalo ng gold medal noong 2023 SEA Games sa men’s team relay.
Lumalabas sa imbestigasyon, dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kinabukasan.
Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sino-sino ang mga kainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen. (JESSE KABEL RUIZ)
277
