PUSPUSAN ang search and retrieval operation para matagpuan ang black box ng Philippine Air Force C-130 Hercules cargo plane na bumagsak noong Sabado ng umaga na ikinamatay ng 50 katao at ikinasugat ng 49 sundalo at 17 sibilyan sa Patikul, Sulu.
Habang kakailanganin ng Armed Forces of the Philippine ang tulong ng forensic experts para kilalanin ang mga nasawi sanhi ng pagsabog at pagkasunog ng bumagsak na C-130 plane na karamihan ay pawang fresh graduates mula sa military training.
Ayon sa DND at AFP, “Dental records are available that can help in the identification of remains. We have sufficient means to identify the remains. The AFP is in control, we will not allow any disruption during the investigation.”
Nakiusap si Defense Secretary Delfin Lorenzana na iwasan muna ang mga malisyosong espekulasyon dahil kasalukuyang ‘on-going’ pa ang imbestigasyon sa insidente.
Sinasabing malaking bagay na makuha agad ang black box o flight data recorder upang makatulong sa pagsisiyasat sa insidente lalo pa’t bagong bili ang nasabing eroplano.
Sa inisyal na impormasyon at base sa obserbasyon ng ilang nakasaksi sa lalapagan na airport, tama ang descending speed ng eroplano, at tama ang descending spot na kinuha nito para sa pagbaba kaya hindi umano dapat magkalat ng mga haka-haka.
Kailangang madetermina umano kung bakit lumihis o lumagpas ang military aircraft sa runway.
Personal na nagtungo nitong Lunes si AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana sa Sulu para personal na pangasiwaan ang imbestigasyon at tiningnan ang kalagayan ng mga biktima kabilang na ang nadamay na mga sibilyan.
“We appeal to the public to avoid speculations. We assure you that the AFP will be transparent in the conduct of investigation, panawagan ni DND Public Information Office Director Arsenio “Popong” Andolong.
Nabatid na bagama’t hindi brand new ang bumagsak na aircraft ay nasa magandang kondisyon ito at may 11,000 flying hours pa itong nalalabi kaya walang katotohanan na defective ito, ani Dir. Andolong.
Aminado ang AFP at DND na hindi lahat ng resulta ng imbestigasyon ay para sa public consumption. “We have to be deliberate and accurate, and we are doing our best to conclude it at the soonest time possible.
Kasalukuyang inaalam din kung overloaded ang nasabing eroplano na napag-alamang may 96 sakay base sa flight manifest; kabilang ang 3 pilots at 5 crew members.
Nasa 47 sundalo at tatlong sibilyan ang namatay habang 49 sundalo at apat na sibilyan ang sugatan.
Ipinag-utos ni General Sobejana na ilagay sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng kampo ng militar sa loob ng anim na araw simula nitong Lunes hanggang sa malibing ang mga sundalong nakalagak na sa loob ng kampo. (JESSE KABEL)
220
