Sec. Villar delikado rin sa hindi pantay na paglalaan ng pondo-solon DPWH BUDGET NAGPABAGSAK KAY CAYETANO

(BERNARD TAGUINOD)

ISA sa mga dahilan ng pagbasak ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay ang hindi pantay na distribusyon sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kanyang interpelasyon sa deliberasyon ng P667.32 bilyon pondo ng DPWH, pinaalalahanan ni Cebu City 2nd District Congressman Rodrigo Abellanosa si Secretary Mark Villar na kung ayaw nitong magaya kay Cayetano ay dapat pantay ang pagtingin nito sa lahat ng mga distrito sa bansa.

“Lets not also forget, that because of the budget of DPWH that cause the downfall of the former of Speaker,” ani Abellanosa dahil busog na busog aniya ang mga “close associates” ni Cayetano sa pondo habang pinagdamutan ang ibang distrito na hindi nila kaalyado.

Inihalimbawa ni Abellanosa ang kaso ng dalawang distrito ng Cebu City kung saan halos P500 million ang ibinigay ng DPWH na proyekto habang ang distrito ng kaalyado ni Cayetano na si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ay mayroong P11.8 billion pondo.

Bukod sa P11.8 billion ng Camarines Sur ay mayroon namang P8 billion si Cayetano para sa kanyang distrito sa Taguig-Pateros.

Ang katumbas lamang aniya ng pondo ng dalawang distrito ng Cebu City na P500 million ay pangkonstruksyon ng kapitolyo at sports complex ni Villafuerte.

Bukod aniya sa P500 million na pampatayo ng kapitolyo ng Camarines Sur ay mayroon pang P250 million na ibinigay ang DPWH kay Villafuerte para sa pagpapatayo naman ng sports complex.

Ang nasabing mga halaga ay kabilang sa P11.8 billion na ibinigay umano ng DPWH sa Camarines Sur. Si Villafuerte ay isa sa close associates ni Cayetano.

“Para bagang ang katapat lang ng budget ng Cebu City ay Capitol building at sports complex lang ng CamSur,” pahayag pa ni Abellanosa na isang insulto umano sa mga taga-Cebu gayung isa sila sa malaking contributor sa pag-unlad ng bansa.

“If the unfair allocation of DPWH budget has cause the downfall of the former speaker Alan Peter Cayetano, for all we know, it might became also the cause of political downfall, hope it wont, of our dear, very good friend Secretary Mark Villar,” babala ni Abellanosa.

 

Tiwala si Duterte

Samantala, nananatili ang “full trust and confidence” ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Public Works Secretary Mark Villar sa kabila ng alegasyon ng korapsyon sa departamento nito.

Nabanggit kasi ni Pangulong Duterte, sa kanyang public address, Miyerkoles ng gabi na may bahagi ng pondo ng DPWH ang nagamit para ibigay sa ilang tao na hindi naman niya pinangalanan.

“Full trust and confidence po [si Presidente] kay Secretary Villar dahil despite the corruption in DPWH, naka-deliver po si Secretary Villar,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa kabilang dako, committed naman si Pangulong Duterte na walisin ang korapsyon sa DPWH at state medical insurer PhilHealth.

At sa tanong kung paiimbestigahan ng Pangulo ang DPWH gaya ng ginawa nito sa PhilHealth, sinabi ni Sec. Roque na: “Posibleng gawin po iyan pero hayaan na po muna natin iyan dahil sa ngayon po nakatutok pa sa PhilHealth ang Presidente.”

Matatandaang inakusahan ng whistleblowers ang mga opisyal ng PhilHealth na nagbulsa ng P15 billion sa state funds at pag-apruba sa overpriced projects at reimbursement sa mga pinaborang ospital. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

254

Related posts

Leave a Comment