INIULAT ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon na siyang pondo para bumili ng COVID-19 vaccine para sa mga Filipino.
Sa kanyang public address, Miyerkoles ng gabi ay sinabi ng Pangulo na may 130 milyong Filipino ang mabibigyan ng bakuna laban sa nakamamatay na coronavirus.
“Nakahanap na ako ng pera. I have the money already for the vaccine, but hahanap pa ako ng maraming pera, because you know there are now 130 million Filipinos,” ayon kay Pangulong Duterte.
“And to me, ideally, all should have the vaccine, without exception. Lahat. Para meron kayong lifetime, whatever, para it can provide immunity. Pang laban ho. ‘Yung body, ‘yung armor mo ‘yung sundalo mo sa katawan mo, malabanan siya,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo na ang mahihirap ang unang bibigyan ng bakuna gamit ang listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.
Prayoridad din ang military personnel at security forces.
(Hindi libre sa lahat)
NILINAW naman ng Malakanyang na hindi libre sa lahat ang bakuna sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang mga pinakamahihirap lamang ang mabibigyan ng libreng bakuna habang ang mga may kakayahan namang makapagbayad ay hindi kasama sa free vaccination.
Ang panigurado ayon kay Sec. Roque, para sa lahat ang gagawing pag-angkat at hindi lang para sa mahihirap.
Sa kabilang dako, handa ang pamahalaan kahit ngayong taon na makabili ng bakuna sa corona virus gamit ang uutangin sa Landbank at Development Bank of the Philippines.
Pero kung sakali aniyang naririyan na ang 2021 budget, inihayag ni Roque na duon na lang posibleng hugutin ang para sa vaccine procurement at hindi na kinakailangan pang mangutang sa bangko ng gobyerno.
(Bakuna ng China)
MULING nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa COVID-19 vaccine na dine-develop ng China.
Sa kanya pa ring public address, tiniyak ng Pangulo sa mga Filipino na ligtas ang candidate vaccines ng China.
“Those of you who are asking me kung safe ba itong China: I can say that China is a modern country and it has all the wherewithal…its integrity is fully protected by its achievements,” ayon sa Pangulo.
Nauna rito, sinabi ng Pangulo na mas pipiliin niya ang mga bakuna mula China at Russia, habang kinastigo naman ang Western pharmaceutical companies na humihingi ng advance payments. (CHRISTIAN DALE)
