Security blanket ng PNP kasado na rin sa SONA 2021 BATASAN PAMBANSA GWARDIYADO NA

Nina BERNARD TAGUINOD at JESSE KABEL)

GWARDYADO na ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Security Group (PSG), Philippine National Police (PNP) at Security Bureau ng Kamara, hindi lamang ang loob kundi maging ang labas ng Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.

Mula nitong hapon ng Biyernes, nagpatupad na ng istriktong seguridad sa loob ng Batasan Complex at tanging ang mga empleyado na may kinalaman sa paghahanda sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang pinapapasok.

Dumaan din ang mga ito sa mahigpit na security protocols na ipinatutupad mismo ng PSG na pangunahing nangangasiwa sa seguridad sa SONA ni Duterte sa Lunes.

Sa labas ng Batasan Pambansa ay kapansin-pansin na rin ang pagdami ng mga pulis na nagbibigay seguridad sa paligid ng Kamara na karaniwang tanawin, tatlong araw bago ang SONA ng Pangulo.

Inaasahan na lalong hihigpit ang seguridad sa paligid ng Batasan Pambansa, bukas, Linggo tulad ng nakaraang mga SONA kung saan may mga naka-deploy na Armored Personnel Carrier (APC) sa labas ng Kongreso.

Samantala, tiniyak naman ni Dr. Raffy Valencia, OIC-Director ng House Medical and Dental Service, siyento porsyento na umanong handa ang Kamara sa pagpapatupad ng health protocols sa SONA ni Duterte.

Ayon sa opisyal, mas mahaba at mas mabusisi ngayon ang safety and health protocols dahil sa pandemya kumpara noong nakaraang SONA ni Duterte upang matiyak na ligtas ang lahat partikular na ang pangulo sa nasabing virus.

Lahat aniya ng House at Senate members, mga bisita, at personnel na papasok sa plenary hall sa SONA ay kailangang magpresinta ng negative RT-PCR test result, sumailalim sa Antigen test, magpakita ng vaccination card at SONA ID na inisyu ng Kamara gayundin ay pinagsusumite ang mga ito ng Health Declaration Form mula sa Presidential Security Group (PSG).

Ang singer na si Morisette Amon naman ang pinili ng Palasyo ng Malacañang para kumanta ng Pambansang Awit sa SONA ni Duterte.

PNP 100% ready na

‘ITS all system go’ para sa ika-anim at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos na isapinal ng PNP-National Capital Regional Police Office ang kanilang security blanket sa loob at paligid ng Batasan Complex at maging sa mga karatig na lugar.

Ayon kay PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang Philippine National Police ay 100% nang nakahandang pangalagaan ang seguridad sa huling SONA ni Pangulong Duterte sa Lunes.

Ito ay kasunod ng report ni PNP-NCRPO Director Vicente ‘Vic’ Danao na tapos na ang security preparations at deployment plans para sa Lunes, Hulyo 26, sa SONA ng Pangulo.

Nabatid na bukod sa mga banta at contingency measures ay ikinonsidera rin ni P/Major Gen. Danao ang COVID-19 situation sa pagsasapinal ng ikinakasang security preparation para sa SONA.

“Handang-handa na ang inyong Philippine National Police sa SONA ng ating Pangulong Duterte sa darating na Lunes. Nakalatag na ang mga security plan at nakaantabay na rin ang sufficient number ng ating kapulisan para sa deployment at iba pang contingency measures,” ani P/Gen Eleazar.

“Tiwala ako sa kakayahan ng ating Regional Director, Maj. Gen. Vicente Danao na ipatupad ang maayos at mapayapang SONA ng ating Pangulo na gaya ng mga nakaraan niyang SONA,” pahayag pa ni Gen. Eleazar.

Magugunitang unang inihayag na aabot sa 15,000 police officers ang ikakalat para pangalagaan ang SONA ng Pangulo.

Nabatid na walang validated threat na na-monitor ang PNP sa SONA subalit tiniyak ni P/Gen Eleazar na lahat ng kanilang mga tauhan ay handang tumugon sa ano mang kaganapan.

Masasabak din umano nang husto ang police personnel na may body-worn cameras para makatulong sa pagmamatyag sa galaw ng mga kahinahinalang personalidad na maaaring lumikha ng kaguluhan, ayon naman kay MGen. Danao.

Kaugnay nito, umapela si P/Gen. Eleazar sa taong bayan ng kanilang kooperasyon, kasabay ng panghihikayat sa mga grupong nagbabalak na maglunsad ng mass actions na kung maaari ay gawin na lamang virtual or online ang kanilang mga pagkilos.

“Sa ilan nating mga kababayan na patuloy pa ring nagpaplano para sa isang rally, nagpapaalala ang inyong PNP na lubha pang delikado ang ganitong klaseng pagtitipon lalo na at may kumpirmasyon na ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19. Mas ligtas na makinig at manood na lang tayo ng SONA sa ating mga tahanan,” dagdag pa ng PNP chief.

291

Related posts

Leave a Comment