ISASAILALIM sa enhanced community quarantine (ECQ) o lockdown ang buong Senado bilang tugon sa kahilingan ng healthcare workers na mag-time out muna sa Metro Manila at ilang bayan dahil lubha na silang nahihirapan sa pagdami ng kaso ng corona virus 2019 (COVID-19).
Inihayag ito ni Senate President Vicente Sotto III alinsunod sa rekomendasyon ni Senador Panfilo Lacson at pagsang-ayon ng maraming senador kabilang ang minority bloc sa pamumuno ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sinabi ni Sotto na tinawagan siya ni Lacson nitong Linggo hinggil sa kautusan ng Supreme Court na isailalim sa katulad na ECQ ang Hudikatura sa loob ng dalawang linggo at nakatatanggap siya ng mga tawag at panukala mula sa health sector at ilang medical at health professionals hinggil dito.
“So I thought it best that to show our concern and support to our frontliners who have been in the forefront since February, I thought it best that we do agree with them, we concur, and declare an
ECQ in the Senate para sa lahat ng empleyado,” ayon kay Sotto.
Aniya, ngayong Lunes, nakipag-usap siya kay Lacson at kinonsulta ang ilang kasamahan dahil “lead by consensus” siya at pinakamahusay na pamamaraan sa pagpapatakbo ng Senado. (ESTONG
REYES)
