SENADO BUBUWAGIN SA BAGONG KONSTITUSYON

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUMAKALAT ngayon sa social media ang draft ng bagong Saligang Batas na tuluyang bubuwag sa Senado dahil magiging unicameral ang sistemang isinusulong ng mga nasa likod ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Sa ilalim ng bagong saligang batas, Parliament na ang gagawa ng batas kung saan ang mga miyembro nito ay ihahalal sa 254 parliamentary districts na ngayon ay tinatawag nating congressional district.

Hindi na sila tatawaging congressmen kundi MP as in Members of the Parliament.

Magkakaroon pa rin ng 76 sectoral representatives na tulad ng party-list system na ihahahal sa buong bansa at 7 special representatives na iendorso naman ng overseas Filipinos mula sa East Asia; Southeast Asia at Oceania Region; Africa-Middle East and Central Asia Region; Europe; North America-USA at North Central at South America.

Kaya sa kabuuan ay magkakaroon ng 330 na miyembro ang Unicameral-Parliament at mula sa kanilang hanay ay ihahalal kung sino ang mamumuno sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng kontrobersyal na Department of Public Works and Highways.

Kung susuwertehin, target ng mga nagsusulong sa bagong saligang batas na ito na maipatupad ito bago ang 2028 presidential election kaya ‘yung mga senador na nahalal ngayong 2025 at matatapos ang termino sa taong 2031, ay ia-absorb sa bagong parliament hanggang matapos ang kanilang termino.

Ibig sabihin, mawawala na ang tinatawag na 24 State members o ang 24 senador na masama na ang imahe sa publiko dahil sa hindi pag-aksyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sumama rin ang imahe ng mga congressman dahil marami umano sa kanila ang tinatawag na Cong-tratista at buwaya dahil sa pagkakasangkot ng marami sa kanila sa katiwalian, hindi lamang sa flood control projects kundi sa halos lahat ng infrastructure projects ng gobyerno.

Pero babalik at babalik ang mga congressman, papalitan lamang ng MP ang kanilang titulo, dahil kilala sila sa kani-kanilang distrito kumpara sa karamihan sa mga senador na walang sariling teritoryo.

Ang maganda lang, hindi pwedeng tumakbo ang isang politiko na hindi nakatapos ng kolehiyo hindi tulad ngayon na kahit sino, basta marunong magbasa at sumulat, ay pwede nang tumakbo.

Maganda ‘yan dahil maraming kongresista at senador ang hindi nakatapos ng pag-aaral. Pera at kasikatan lang ang kanilang puhunan pero kapag nagkaroon na ng bagong saligang batas, hindi na pwede ‘yan!

40

Related posts

Leave a Comment