SUPORTADO ng ilang senador ang pagtatalaga kay dating NBI Director Dante Gierran bilang bagong presidente at chief operating officer ng Philippine Health Insurance Incorporated (PhilHealth).
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, nagsilbing chairman ng Senate Committee of the Whole na nag-imbestiga sa mga iregularidad sa Philhealth, very good choice si Gierran para sa posisyon.
“Aside from a clean record, he (Gierran) has investigative skills that can crack the whip in ferreting out anomalies in the Agency,” saad ni Sotto.
Umaasa naman si Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi mabibiktima si Gierran ng manipulasyon ng mga tao sa loob at labas ng PhilHealth.
“Unang-una galing siya sa NBI. Walang kontrobersya na hinarap ang NBI, maayos ang pamamalakad sa NBI nang siya ang director. On that note, wala tayong masabi na kinasangkutan niyang kontrobersya,” pahayag ni Lacson.
“I just hope na hindi siya ma-manipulate ng mga tao inside and outside of PhilHealth. Alam naman natin na for the longest time, nauuubos ang pera ng PhilHealth sa anomalya at kalokohan. So yan ang ating pinapanalangin na sana mangyari, di lang para sa kanya kundi para sa ating lahat, kasi tayong lahat dapat sakop ng PhilHealth,” dagdag nito.
Sa panig naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi nito na mabigat ang naghihintay kay Gierran na high-level at malalim na katiwalian na mistulang naperpekto na ng sindikato sa mga lumipas na panahon.
“He should keep his eyes open – never blink – to corruption. A piece of advice: transparency is an effective tool to prevent corruption. I hope his leadership will finally shine a light on PhilHealth which operates in the dark,” diin ni Drilon.
Umaasa rin si Senador Imee Marcos na malulunasan ni Gierran ang problema sa PhilHealth gamit ang kanyang abilidad sa imbestigasyon.
Iginiit naman ni Senador Sonny Angara na umaasa siyang magagabayan ni Gierran ang PhilHealth para sa mas maayos na sistema partikular sa paggamit ng information technology. (DANG SAMSON-GARCIA)
150
