NANINIWALA si Senador Cynthia Villar na hindi malawak na lupain kundi mahusay na teknolohiya ang magpapaunlad sa sektor ng agrikultura tulad ng Israel na nagluluwas ng gulay sa Gitnang Silangan kahit nasa gitna sila ng disyerto.
Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate committee on agriculture hinggil sa industriya ng dairy products, sinabi ni Villar na maling sabihin na hindi dapat ginagawang subdivision o pabrika ang mga lupaing-sakahan dahil kailangan din ito sa ekonomiya ng bansa.
Aniya, teknolohiya ang pangunahing susi sa pagiging matagumpay ng sakahan, hindi lupain.
Inihalimbawa ni Villar ang Israel hinggil sa pagsasaka na kahit nasa gitna ng disyerto na hindi maganda ang lupa o akma sa pananim, pero net exporter sila ng pagkain sa Gitnang Silangan.
“Sa Israel, wala silang lupa, disyerto sila kaya hina-hang nila ‘yung kanilang mga plant sa air. Wala silang tubig, kasi ang tubig lang nila nanggagaling sa ocean, salty, dini-desalinate nila,” aniya.
“Yet they are net exporter of vegetable in the Middle East. So, ito ‘yung sinasabi natin na hindi kailangan ng lupa, hindi kailangan ng tubig. Kailangan natin ay technology to be successful in farming,” giit ni Villar.
Dahil dito, sinabi ni Villar na maling sabihin na hindi dapat ginagawang pabahay o pabrika ang mga sakahan sa bansa.
“‘Yung sinasabi na huwag daw i-convert ang farmland para magtayo ng bahay at huwag i-convert ang farmland para magtayo ng factory, mali ‘yon,” giit ng senador.
Aniya, maaaring magtayo ng pabrika sa loob ng lungsod saka gawing sakahan naman ang nasa labas.
“Hindi naman lahat gustong i-convert to homes and commercial, yung mga city lang ‘yun eh. Bakit ipagbabawal ‘yon eh importante rin yun sa ekonomiya,” aniya.
“Dito sa Israel matutunan natin na hindi amount of land, and the amount of water, it’s the technology that will improve our agriculture,” dagdag ng senador. (ESTONG REYES)
175
