LAGUNA – Patay ang isang 80-anyos na senior citizen makaraang pumalag sa mga nanloob sa kanilang bahay sa bayan ng Calauan, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Benigno Artiaga, residente ng Barangay Lamot 1.
Batay sa report ng Calauan Police, bandang alas-9:15 ng gabi, matutulog na ang biktima ang at misis nitong si Carmelita Artiaga nang marinig ng mga ito na may kinakahulan ang kanilang aso sa labas ng bahay.
Lumabas ang ginang ngunit dinaklot ito ng suspek kaya humingi ng tulong sa mister na kaagad ding lumabas.
Ngunit tinaga ito ng suspek sa paa at kinaladkad papasok sa bahay.
Hinanap nito ang pera ng mag-asawa kaya napilitan ang mister na ibigay ang kanyang wallet na naglalaman ng P5,000.
Gayunman, nang makatiyempo, nakipagbuno ang biktima sa suspek kaya muli itong pinagtataga ng suspek sa ulo at lalamunan.
Agad nalagutan ng hininga ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)
