TARGET ni KA REX CAYANONG
SA isang makabuluhang pananalita sa ginanap na 56th Commencement Exercises ng Southern Luzon State University, pinaalalahanan ni Engr. Ronnel Tan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga nagtapos na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa diploma, kundi sa kung paano nila ginagamit ang kanilang natutunan upang makapaglingkod sa kapwa.
Hindi aniya sapat ang mataas na lipad kung hindi nakikita ang tunay na kalagayan sa lupa. Aniya, hindi sapat ang pagiging edukado kung walang layunin at malasakit sa kapwa.
Dahil sa huli, hindi ang titulong nakakabit sa ating pangalan ang tatatak sa lipunan, kundi ang mga pagbabagong iniwan natin sa buhay ng iba.
Makapangyarihan ang kanyang mensahe: “Fly high, but high enough to see the realities on the ground.”
Tila paalala ito sa lahat—lalo na sa mga kabataang propesyonal—na sa bawat pagkakataon (Kairos) ay may responsibilidad tayong damhin at tugunan ang mga panlipunang hamon.
Mabilis ang takbo ng oras (Chronos), ngunit sa piling mga sandali, may puwang tayong gawing makahulugan ang ating mga aksyon. Hindi ito panahon ng pakitang-tao o pamumulitika. Ito ay panawagan para sa tunay na serbisyong may saysay at malasakit.
Samantala, isinusulong ng 4K Party-list sa pangunguna ni Congw. Iris Montes—ang House Bill No. 319 o ang “Kababaihan Kaagapay sa Kaunlaran ng Kanayunan Act.”
Layunin ng panukalang ito na bigyang-puwang, boses, at suporta ang kababaihang magsasaka at mangingisda na matagal nang nasa laylayan ng mga patakaran at serbisyo ng gobyerno.
Hindi lamang ito simpleng bill, isa itong pagkilala sa dignidad ng kababaihan sa kanayunan bilang haligi ng agrikultura, seguridad sa pagkain, at kaunlarang pang-ekonomiya.
Napapanahon at kinakailangan ang batas na ito.
Sa gitna nga naman ng mga hamon sa rural development at food security, dapat kilalanin na ang kababaihan ay hindi lamang tagasalo ng hirap kundi katuwang sa paglikha ng solusyon.
Konkretong hakbang ang pagtatatag ng Women in Agriculture, Fisheries, and Rural Development Program upang mabigyan sila ng access sa makabagong teknolohiya, suporta sa negosyo, at representasyon sa mga desisyong may epekto sa kanilang kabuhayan.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
130 