Shabu mula South Africa, bistado sa NAIA DAYUHAN TIMBOG SA 21 KILO DROGA

TIMBOG sa mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang isang dayuhang nagtangkang magpuslit ng mahigit 21 kilong shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

Sa kalatas ng BOC, napag-alamang bantay-sarado na kawanihan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang modus ng mga sindikato sa likod ng drug smuggling. Katunayan anila, buwan pa lang ng Hulyo nang simulan ang paniniktik sa galawan ng dalawang sindikato – isang naka­base sa Pilipinas at isa mula naman sa South Africa.

Buwan ng Agosto naman nang makumpirma – sa tulong ng isang impormante ang pagdating sa bansa ng isang miyembro ng sindikato bitbit ang kontrabando, hudyat para maglabas ng isang alert order sa tanggapan ng kawanihan sa paliparan kung saan itinakdang idaan ang droga.

Paglapag ng eroplanong tinukoy sa intelligence report, agad na isinailalim sa K-9 sweeping at x-ray scanning ang bagaheng bitbit ng isang banyaga mula sa bansang South Africa. Dito na nabisto ang laman – 21.215 kilo ng shabu, kasabay ng pagdakip ng may bitbit ng kontrabando.

Patuloy naman ang isina­sagawang interogasyon sa hindi pinangalanang suspek sa hangaring tukuyin ang mga kasabwat ng sindikato. Nahaharap naman ang arestadong suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Pagtitiyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, tatapusin niya ang illegal drug smuggling na isa sa pitong adyenda ng administrasyong Marcos Jr.

109

Related posts

Leave a Comment