NOONG isang gabi ay nakasama naming mag-host si Bianca Gonzalez para sa online event na ‘Laban, Kapamilya’ sa pamamagitan ng Facebook Live. Nakapanayam namin ang ilang Kapamilya stars at mga empleyado upang magbigay ng kanilang mga opinyon tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN. Nagsara ang Kapamilya network dahil sa kautusan ng National Telecommunications Commission dahil sa pagkapaso ng prangkisa nito.
Isa si Judy Ann Santos sa nagpahayag ng kanyang mga saloobin tungkol sa mga nangyari. Itinuturing ng premyadong aktres na pangalawang tahanan ang Kapamilya network. “Ano ang nangyari? Ang bawat isang tao, may kanya-kanyang opinyon sa nangyari at pangyayari sa kasalukuyan. Bilang Pilipino na nagbabayad ng buwis, bilang isang ina, anak, asawa ay Kapamilya, katulad po ninyo, may opinyon po ako sa nangyari sa ABS-CBN,” bungad ni Judy Ann.
“Ang tanong ko lang naman po, simple lang naman, siguro kahit nga grade 2 masasagot ito, o kahit siguro grade 2, ito rin ang tanong, ano pong nangyari sa proseso? Bakit po kinailangan na gawin ito sa ABS-CBN ngayon? Na sa panahon mismo ngayon na lahat ng tao nasa bahay, na kasalukuyang natatakot at nag-iisp kung ano ba ang kinabukasan talaga natin. Kailangan pa po ba natin na madagdagan ang lungkot at pangamba na ating nararamdaman na meron na tayo sa pangkasalukuyan?” dagdag niya.
Para kay Judy Ann ay mas kailangang pakatutukan ng gobyerno at magtulungan ang lahat para sa krisis na kinakaharap ng bansa ngayon dahil sa panganib na dulot ng covid-19. “Sa mga ganitong panahon, na wala tayong laban sa isang kontrabida na hindi natin nakikita at wala tayong kalaban-laban sa oras na tinamaan tayo nito, hindi ho ba pwede na magkaisa muna tayo at magtulungan para malampasan ang epidemyang ito,” paliwanag ni Juday.
“Harapin po natin ang tunay na kalaban. Hindi po kami ang kalaban, hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN. Sa panahong ito, tayong lahat dapat ay magkakampi,” giit pa ng aktres.
140