Ang pinakamalaking pangalan sa mundo ng rock music ay itatampok sa pinakamalaking indoor arena sa buong daigdig.
Ito ang anunsyong inilabas ng rock legend na U2 hinggil sa Manila leg ng Joshua Tree 2019 Tour nito na itatampok sa Philippine Arena, ang Guinness record holder bilang pinakamalaking indoor multipurpose venue, na may 55,000 seating capacity.
Ang produksyong itatampok ng MMI Live and Prestige Worldwide ay isasagawa sa darating na Disyembre 11.
“Isang malaking karangalan ang maging host ng U2 dahil magiging bahagi kami sa katuparan ng pangarap ng maraming music enthusiasts. Mainit naming tatanggapin ang libu-libong mga fans na makikisaya sa pambihirang pangyayaring ito,” ayon kay Atty. Glicerio P. Santos IV, Chief Operating Officer ng Maligaya Development Corporation na siyang nangangasiwa sa Philippine Arena at sa buong Ciudad de Victoria.
Dagdag pa ni Santos IV, masusi umano silang nakikipag-ugnayan sa mga promoter at organizer upang pagandahin ng husto ang nasabing concert.
“Batid namin ang kalibre at taas ng batayan ng musikang hatid ng U2 sa bawat pagtatampok ng kanilang pamosong mga konsiyerto, saan man sa mundo. Tiyak namang tatapatan ng Philippine Arena ang mga hiling nilang mga batayan, para na rin sa dadagsang mga tagahanga nilang manonood dito ng live.”
Dito rin sa nasabing pasilidad sa Bocaue isinagawa ang concert ng Guns N’ Roses at ni Katie Perry.
Ayon pa kay Santos IV, magagamit ng mga dadagsang fans ang Philippine Arena Interchange para sa nasabing concert upang maayos ang pagpasok at paglabas ng mga sasakyan sa Ciudad de Victoria.
“Matatapos na sa Oktubre ang interchange na magsisilbing direktang access mula at papunta sa NLEX at sa Arena. Batid namin ang bulto at dami ng mga pupunta kaya kami ay nakikipagtulungan na rin sa national at local government upang maagang matapos ang mga proyektong kalsada para sa pagpapaluwag ng trapik dito.”PHIL ARENA
Mas madali na ring mag-“commute” dahil sa inisyal na pagbubukas at operasyon ng North Luzon Express Terminal sa Ciudad de Victoria para sa mga mananakay.
Sa Philippine Arena din isasagawa ang opening ceremony ng 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
413