SA pag-iimbestiga ko sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Blue Star Construction and Development Corporation, nabanggit sa akin ng isang source na isang Nilo Tamoria ang tumira ng naturang kasunduan.
Ang ibig sabihin, si Tamoria ang kumilos at nagtrabaho upang lagdaan ng noo’y DENR Secretary Regina “Gina” Lopez ang MOA ng DENR sa Blue Star na nagbigay ‘karapatan’ at ‘kapangyarihan’ sa nasabing korporasyon na magdesisyon para sa 2,700 ektaryang lupain ng mga Dumagat sa Rizal.
Ang lupain na itinuring ng mga Dumagat na kanilang “ancestral domain” ay sumasaklaw mula sa Lungsod ng Antipolo hanggang Baras, ngunit mistulang dayuhan na rito ang nasabing pangkat ng katutubo.
Tinumbok at idiniin ng source na pihadong kumita raw nang malaki si DENR – Calabarzon Executive Director Nilo Tamoria sa DENR – Blue Star MOA.
Pokaragat na ‘yan!
Ang kahulugan ng Calabarzon ay Cavite, Laguna, Rizal, Batangas at Quezon.
Nagulat ako sa impormasyong ito laban kay Tamoria.
Hindi ako makapaniwala.
Alam n’yo kung bakit?
Kilala ko nang personal si Nilo Tamoria.
Nag-aral ito sa Lyceum of the Philippines.
Wala akong nabalitaang masama at karanasang hindi maganda laban kay Nilo noong nag-aaral ito sa Lyceum.
Nagkita kami ni Nilo sa Taft Avenue (malapit sa Philippine Christian University) noong si Joseph Estrada pa ang ating pangulo.
Palagay ko wala pang magarang sasakyan si Nilo nang magkita kami dahil pareho kaming naglalakad.
Sabi ni Nilo sa akin nang magkita kami, konektado siya sa Malakanyang.
Nang si Gloria Macapagal – Arroyo na ang pangulo ng bansa, nabalitaan kong konektado na si Nilo Tamoria sa DENR dahil kalihim si Michael “Mike” Defensor ng kagawarang ito.
Nanatili si Tamoria sa DENR kahit inilipat ni Arroyo si Defensor sa ibang ahensiya.
Nabalitaan ko na lang na isa nang executive director ng DENR – Calabarzon si Nilo Tamoria.
Kinalaunan, natanggal si Nilo sa Calabarzon.
Ngunit, nakabalik siya rito kamakailan.
Nakarating din sa akin ang impormasyong mayroon nang magarang sasakyan si Nilo.
Sabi rin ng ibang mga nag-aral sa Lyceum na “ubod nang yaman na” ni Nilo Tamoria.
Magandang balita ito kaysa mabalitaan kong nanlilimahid pa rin si Nilo tulad noong nag-aaral pa siya sa Lyceum.
Sabi naman ng ilan, korap na opisyal si Nilo Tamoria.
Hindi ako naniniwala.
Pawang paninira ito laban kay Nilo.
Yumaman lang nang husto si Nilo, korap na?!
Pokaragat na ‘yan!
Sa mga kasabayan ni Nilo sa Lyceum, ipinararating ko sa inyo na hindi korap si Nilo Tamoria.
Sa mga opisyal at kawani ng DENR mula sa tanggapan ni Secretary Roy Cimatu hanggang DENR – Calabarzon, hindi po korap si Nilo Tamoria.
Sa mga journalist na nakadestino sa DENR beat at Calabarzon beat, hindi korap si Nilo Tamoria.
Sa pamunuan at kasapian ng National Press Club (NPC), itanim ninyo sa inyong mga isipan na walang katotohanang korap si Nilo Tamoria Alam po ninyo, naging makamasa, makamahirap at makabayan si Nilo noong nag-aaral pa siya sa Lyceum.
Kaya, hindi magagawa ni Nilo na ipagpalit ang buhay at kinabukasan ng mga Dumagat kahit ang resulta nito ay pabor na pabor sa Blue Star dahil mga kapwa Filipino ni Nilo ang nasabing mga katutubo.
Nilo Tamoria, ‘di ba hindi ka korap?
oOo
CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911
263
