SIMBAHAN BUKAS PARA SA MGA SINALANTA NG BAGYO, BAHA

BINUKSAN na rin ang mga Simbahan o parokya para sa mga nasalanta ng bagyong Crising at Habagat.

Ayon kay Fr. Wilmer Samillano, Sch.P, kura paroko ng Holy Family Parish sa Gulod Novaliches, Quezon City, laging bukas ang simbahan at walang pinipiling relihiyon, walang pinipiling lahi dahil ito ay para sa lahat. Hindi aniya pinag-uusapan ang pagkakaiba lalo na sa panahon ng kalamidad.

Binigyang-diin din ng pari na hindi pinag-uusapan ang pananampalataya, kultura at pagkakaiba ng tao sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Noong Lunes, malaking bahagi ng Metro Manila ang nalubog sa baha dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan bunsod ng Habagat kung saan maraming mamamayan ang lubhang naapektuhan.

Bunsod nito, binuksan ng pari ang parokya at kinanlong ang mahigit 600 indibidwal lalo na ang mga naninirahan sa paligid ng Tullahan River.

Pinakain din ng Simbahan ang mga residente at binigyan ng mga gamot, hygiene kits, mga damit at malinis na inuming tubig.

Apela ni Fr. Samillano sa mamamayan na maging handa sa anomang panahon lalo na sa mga lugar na kadalasang binabaha.

Mensahe ng pari sa publiko na makipag-ugnayan sa kanilang parokya para sa mga nais magpaabot ng tulong tulad ng bigas, canned goods, gamot at iba pang kinakailangang tulong sa nagsilikas na mga residente.

Personal namang binisita ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., ang mga nasalanta ng pagbaha sa San Antonio Parish Del Monte at Holy Redeemer Parish sa Quezon city.

Inalam ng Obispo ang pangangailangan ng mga residente na apektado ng pagbaha dulot ng masamang panahon o hanging habagat. (JOCELYN DOMENDEN)

6

Related posts

Leave a Comment