SINABI NI PBBM SA SONA, TALIWAS SA TOTOONG NANGYAYARI

PUNA ni JOEL AMONGO

MARAMI ang nagtaka kung bakit sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang ika-2 State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 24, 2023, na bumaba ang inflation rate sa nakalipas na isang taon sa kanyang panunungkulan.

Base sa sinabi niya sa kanyang SONA, bumaba ang presyo ng mga bilihin (inflation rate) sa ilalim ng kanyang administrasyon, partikular na binanggit niya ang mga bilihin na mabibili sa mga Kadiwa store.

Ayon sa mga nakapanayam ng PUNA, maaaring totoo na mababa ang presyo sa mga Kadiwa store, subalit saan naman matatagpuan ang mga ito?

Sinabi pa nila na sa mga grocery, sari-sari stores at palengke namimili ang publiko na kung saan ay mataas ang presyo ng mga bilihin.

Kadalasan, natatagpuan lamang ang Kadiwa stores sa mga opisina ng Department of Agriculture (DA) at iba pang mga tanggapan ng gobyerno.

Kung ang mga ibinibenta sa mga Kadiwa store ay nakararating sana sa mga sari-sari store, grocery at palengke kung saan namimili ang publiko, ay maaaring maramdaman ang sinasabi ni PBBM sa kanyang SONA na bumaba ang inflation rate.

Kaya hamon ng taumbayan kay PBBM, subukan niya na mamili sa groceries, sari-sari stores at palengke para malaman niya kung gaano kamahal ang presyo ng pangunahing mga bilihin.

Nagsimulang tumaas ang presyo ng mga bilihin sa huling termino ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte hanggang sa pagpasok ng administrasyon ni PBBM.

Inaasahan ng taumbayan na bababa ito sa pamamagitan ni PBBM, subalit hanggang ngayon, makalipas ng isang taon ng panunungkulan niya simula noong June 30, 2022, ay hindi bumaba ang presyo ng mga bilihin.

Hindi na rin umaasa ang publiko sa pangako ni PBBM na maibaba sa P20 kada kilo ang bigas dahil muli na namang tumaas ang presyo nito sa merkado.

Imposibleng magkaroon ng P20 kada kilo ng bigas dahil ang palay pa lang ay halos umabot na ang presyo sa P20 kada kilo ang bilihan.

Maaaring umabot ng P20 kada kilo ang bigas kung sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim ng palay.

Sa mahal ng presyo ng fertilizer at iba pang gamit sa pagtatanim ng palay, ay imposibleng maging P20 ang kada kilo ng bigas.

Bagsak presyo ang P20 kada kilo ng bigas, kaya ang mangyayari sa mga magsasaka ay babagsak din sila, at lalo pa silang walang makakain.

Kaya hiling ng mga tagasubaybay ng PUNA kay PBBM, maging makatotohanan siya para sa ikabubuti ng lahat ng mga Pilipino.

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

200

Related posts

Leave a Comment