SINDIKATO SA REALIGNMENT NG PONDO SA DPWH, PINABUBUSISI

HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na imbestigahan ang posibilidad na may sindikatong nasa likod ng iligal na realignment ng bilyon-bilyong pondo sa panukalang 2023 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“As former Speaker of the House, various sources have brought to my attention that there could be a group controlling the allocation of projects to the different congressional districts,” saad ni Cayetano.

“What is more alarming is the possibility that the fund manipulation is happening at the source, meaning the DPWH budget, even before it is submitted to Congress,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na ang “parking” ng mga pondo ay dating ginagawa sa bicameral level at kadalasan ay sa maliitang halaga lang, ngunit ngayon bilyon-bilyong piso na ang ginagalaw at mas naging laganap pa aniya ito.

“Dati po ang pag-park ng pondo ay nangyayari lang sa bicam at maliit na pondo lang ang pinag uusapan. Pero ngayon, if reports are true, it has become a corruption pandemic,” diin ng senador.

Binansagan ni Cayetano ang gawaing ito na “expanded fund parking scheme,” kung saan sadyang babawasan ang badyet ng mga congressional district tsaka iaareglo ang pagbabalik ng naturang pondo kapalit ng pagbibigay ng proyekto sa mga piling contractor.

“Ang sumbong sa akin ay binabawasan daw ang budget ng mga distrito, tapos kakausapin nila ang congressman doon na pwede nilang ibalik ang pondo pero sila ang mamimili ng project at contractor nila ang gagawa nito. Hulidap ang tawag dito,” diin pa nito.

Sinabi ni Cayetano na binawasan ang pondo ng ilang mga distrito sa 2023 National Expenditure Program (NEP), kung saan naglalaro ang kabawasan mula 21.41 porsyento hanggang 93.12 porsyento. (Dang Samson-Garcia)

189

Related posts

Leave a Comment