SINO ANG SASALO SA MGA PULIS NA KAKASUHAN?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KAWAWA ang mga pulis na madidiin sa war on drugs dahil tiyak na sosolohin nila ang laban para ipagtanggol ang kanilang sarili at patunayan na hindi sila sumobra sa pagpapatupad sa kanilang tungkulin na labanan ang ilegal na droga sa bansa.

Simula 2016, lagi ­nating naririnig kay Pangulong Rodrigo Duterte na ‘Sagot n’ya ang mga pulis” na makakasuhan sa war on drugs kaya siguro may mga pulis na lumakas ang loob na ilagay ang batas sa kanilang kamay.

Aminin na natin, tumahimik kahit papaano ang lipunan dahil nawala ang mga adik sa lansangan dahil sa war on drugs. Bihira o halos wala ka nang nakikitang mga tambay sa kanto na bangag sa ilegal na droga.

Nawala o nabawasan din ang mga akyat-bahay dahil ‘yung mga drug addict na dumidiskarte para makabili sila ng ilegal na droga ay naglaho na…hindi lang malaman kung kabilang sila sa mga napatay lalo na ng riding in tandem na sinasabing death squad.

Bihira na rin ang holdapan o halos wala ka nang maririnig na naholdap o biktima ng ­snatching na karaniwang isinisisi sa mga drug addict dahil sa pangangailangan nila ng pera para makabili ng droga.

Pero aminin din natin, maraming pulis ang sumobra at lumabag sa karapatan ng mga suspek sa ilegal na droga at marami ring napatay na walang kinalaman sa droga tulad ng batang si Kian delos Santos ng Caloocan City.

Laging sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang mga biktima kaya sila napatay pero napatunayan na gawa-gawa lang nila ang kuwento tulad ng mga pulis sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Pitong pulis ang kinasuhan ng murder dahil sa bogus na anti-drug operation dahil pinalabas nila na nanlaban ang 6 na biktima na una nilang inaresto, ikinulong at kalaunan ay pinatay rin dahil nanlaban daw.

Mayroon pang 154 iba pang pulis ang sinasabi ng Department of Justice (DOJ) na sangkot sa 52 ­anti-drug operation case, ang namumurong makasuhan at posible pang ­madagdagan ang bilang nila kapag inimbestigahan ang lahat ng 6,000 anti-drug operations.

Tiyak din na may mga pulis na masasabit sa kasong isinampa sa International Criminal Court (ICC) laban kina Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bato dela Rosa at iba pa dahil sa crime against humanity na nag-ugat sa war on drugs.

Pero malapit na ring matapos ang termino ni Pangulong Duterte at tiyak na mababalewala na ang unang nangako sa mga pulis na sagot niya ang mga ito kapag sila ay nakasuhan dahil sa war on drugs.

Papaano niya matutulungan ang mga pulis na makakasuhan at tiyak na makukulong kapag napatunayan na sumobra ang mga ito at inilagay nila ang batas sa kanilang kamay, kung mawawala na siya sa puwesto?

Kapag hindi kaalyado ni Pangulong Duterte ang mananalong pangulo tiyak na hahabulin ang mga abusadong pulis sa war on drugs lalo na’t determinado ang mga namatayan na makakuha ng hustisya.

Ang ending n’yan, ­sariling laban na ito ng mga pulis na makakasuhan lalo na’t hindi pa ganap na batas ang panukalang bigyan ng libreng legal assistance ang law enforcers na masasampahan ng kaso dahil sa pagganap sa kanilang tungkulin.

‘Yung matataas na mga opisyal tulad ni Sen. Dela Rosa, kaya nila ang kanilang sarili pero papaano ‘yung mga ordinaryong alagad ng batas?

Papaano nila susuportahan ang ­pinansyal na pangangailangan para ipagtanggol ang kanilang sarili?

187

Related posts

Leave a Comment