RAPIDO Ni PATRICK TULFO
TANONG ng isang kakilala na may-ari ng security agency, bakit daw kapag nagpapalit ang Philippine National Police (PNP) ng hepe nito at iba’t ibang heads sa branches nito ay bakit daw pati ang sistema ng renewal ng lisensiya ng security agencies ay binabago rin?
Natatagalan daw ngayon ang pagbibigay ng documentary requirements tulad ng Firearms Record Verification (FRV) ang SOSIA (Supervisory Office for Security and Investigation Agencies) dahil binago nito ang computer program sa pagbibigay ng naturang dokumento, nangangapa tuloy ang mga gumagamit nito. Hindi katulad nung dating sistema raw na mas madaling hanapin ang record ng isang ahensiya. Kung noon ay isang linggo lang ay tapos na ang pagproseso ng renewal ng lisensya, ngayon ay inaabot ng 4 na linggo.
Pero bakit nga ba kailangang baguhin ang dating sistema na wala namang problema, ano ba ang dahilan? Korapsyon ba? Kung ganun, hindi ang sistema ang problema kundi ang mga gumagamit nito. Ang kailangan palitan ng PNP ay ang mga tao at hindi ang sistema. Kung anu-ano tuloy ang naiisip ng inyong lingkod.
***
Halos isang buwan na rin tumatakbo ang aming action center na matatagpuan sa 27th floor, Rm. 2702 AIC Burgundy Tower, ADB Avenue, Ortigas Pasig City at marami na ring nagpunta upang humingi ng tulong.
Isa sa mga kaso na inilapit sa amin ay ang reklamong rape mula pa sa Bukidnon province. Ayon sa lola ng mga biktima, ginahasa raw ang kanyang apat na apo na may mga edad na 7, 9, 10 at 12-anyos ng iisang suspek lamang. Inilapit na sa pulisya ang reklamo at maging sa Department Social Welfare Development (DSWD) sa kanilang lugar, pero ang problema, ang suspek ay isa ring menor de edad na 14-years old noong ginawa ang krimen. Ang tanong po ng kawawang lola sa amin ay wala na raw bang magagawa sa menor de edad na suspek na humalay sa kanyang mga apo? Dahil sinabi na raw ng DSWD na absuwelto ang suspek sa krimen dahil minor din ito.
Biglang naalala ko ang “Juvenile Justice law” na iniakda ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na nagbibigay proteksyon sa mga menor de edad na gumawa ng krimen.
Patuloy naming tututukan ang kaso na ito hanggang sa makuha ng mga batang biktima ang hustisya.
***
Sentro na ngayon ng usap-usapan sa social media ang lubak-lubak na kalye sa kahabaan ng McArthur Highway sa lalawigan ng Bulacan. Nag-viral na ang mga video na kung saan ipinakita na ilang motorsiklo at maging ang isang e-bike, ang tumaob dahil sa hindi makitang mga butas na natatakpan ng tubig.
Tinatawag na ngayong “Lalawigan ng Lubakan” ang Bulacan dahil dito.
183