ARNELL IGNACIO, SAKTONG-SAKTO SA OWWA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SINO ang mag-aakala na ang isang singer-actor-comedian ay mapupunta sa public service at ang hahawakan pang posisyon ay ang pangangalaga ng kapakanan at karapatan ng mga OFW.

Sa simula ay kinuwestiyon ang kakayahan ni Deputy Administrator Arnell Ignacio na ngayon ay isa nang ganap na administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sinabi na wala siyang alam pagdating sa kalakaran ng gobyerno dahil isa lamang itong artista at komedyante.

Ngunit lingid sa kaalaman ng maraming mga OFW, si Administrator Ignacio ay unang itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa PAGCOR na kung saan ay marami itong ginampanang mga programa para sa mahihirap na mga Pilipino. Hindi nagtagal ay inilipat siya bilang isang Deputy Administrator ng OWWA. Sa pagtatapos ng administrasyon ni Pangulong Duterte ay inakala ng marami niyang kritiko na katapusan na ng kanyang public service career.

Doon sila nagkamali dahil muli itong na-appoint ni Pangulong Bongbong Marcos bilang bagong administrator ng OWWA. Ito ay dahil sa ipinakita niyang track record lalo na sa ipinamalas niyang malasakit at pagmamahal sa ating OFWs.

Marami na ang nagdaang administrators ng Overseas Workers Welfare Administration at bawat isa sa kanila ay may naiambag para sa ating mga migranteng manggagawa.

Sa pagkaka-appoint kay Arnell Ignacio bilang bagong administrator ng OWWA ni Pangulong Bongbong Marcos, marami ang nag-aabang ng mga pagbabagong gagawin niya sa nasabing ahensya.

Kilala si Arnel sa makabagong approach o ‘yung tinatawag na “out-of-the-box” solution pagdating sa kanyang pananaw sa problema at mga suliranin ng ating OFWs. Isa rito ang paglapit sa ating OFWs sa pamamagitan ng kanilang mga barangay at kapulisan para maproteksyunan at mapangalagaan ang kanilang mga naiwang pamilya dito sa Pilipinas.

Gusto rin niya na bigyan ng nararapat na parangal at pagkilala ang mga empleyado ng OWWA pati na ang welfare officers na nasa ibang bansa na nangangalaga ng ating OFWs dahil alam niya ang sakripisyo ng mga ito at ang hirap at bigat ng kanilang trabaho.

Marami pang plano si Arnell para sa OWWA pero alam niyang hindi ito magiging madali kung walang pagkakaisa mula sa kanyang mga kahanay.

Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataon na personal kong makausap si Administrator Arnell Ignacio at bilang dating miyembro ng OWWA Board of Trustees na kumakatawan para sa OFW Landbased sector, ay talagang namangha ako sa mga bagong idea na kanyang inilalatag na tiyak na ikagugulat ng ating mga OFW at pamilyang OFW.

Kahanga-hanga rin ang kanyang ipinakitang pagmamalasakit sa isang OFW na ang 13-anyos na anak na babae ay hinalay ng isang grupo ng kalalakihan. Personal niyang siniguro na mabilis na mapapauwi ang nasabing OFW at kanya rin itong sinalubong sa NAIA Terminal.

Sa bagong pamumuno ni Administrator Arnell Ignacio, ang OWWA slogan na OWWA Cares ay magkakaroon ng bagong anyo sa panuntunang OWWA Cares and Fast. Kaya masasabi nating tahasang saktong-sakto si Administrator Arnell Ignacio sa OWWA.

301

Related posts

Leave a Comment