SK CHAIRMAN BINOGA SA AWAY-TRAPIKO

BULACAN – Sugatan ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa bayan ng San Miguel makaraang barilin ng isa sa apat na kalalakihang nakaalitan sa away-trapiko sa Brgy. Salacot sa lalawigang ito, noong Huwebes.

Base sa report kay P/Brig. Gen. Valeriano T. De Leon, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), kinilala ang biktimang si John Mico Yamson, residente ng Barangay Tigpalas, San Miguel, na agad isinugod sa pagamutan.

Mabilis namang nasakote sa follow-up operation ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Karl Wyn Cruz y Juatco habang pinaghahanap ang tatlo pang sina Jefferson Juatco, Almarvin Ruben at Kier Wilmer Juatco.

Napag-alaman, noong Huwebes nangyari ang insidente habang lulan ng motorsiklo ang biktima at binabagtas ang National Highway sakop ng Brgy. Salacot.

Bigla umanong tinangkang mag-overtake ng isang L300 FB na kinalululanan ng mga suspek, naging dahilan ng mainitang pagtatalo.

Pagsapit sa isang gasolinahan, pinara ng mga suspek ang biktima, kinompronta na humantong sa suntukan.

Pagkaraan ay bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan ang biktima. Masuwerteng sa braso lamang tinamaan ng bala ang biktima na agad isinugod sa pagamutan ng mga nagmamalasakit na motorista.

Sa follow-up operation ay nadakip ang isa sa mga suspek habang tinutugis ang tatlo pang kasama nito. (GINA BORLONGAN)

181

Related posts

Leave a Comment