NANAWAGAN si Senator Joel Villanueva sa gobyerno na mag-imbentaryo ng kasanayan ng libu-libong overseas Filipinos na pinauuwi bunsod ng pandemya at ipagtugma ang mga ito sa kasalukuyang demand sa labor market.
Ayon kay Villanueva, mahalaga para sa gobyerno ang magpatupad ng mga intervention sa abot ng kakayahan nito para siguruhing makababalik sa labor market ang mga OFW na bahagi ng pinakamalawak na repatriation ng ating mga kababayan mula noong Gulf War noong 1990s.
“Totoo pong malawakang repatriation po ang nangyayari ngayon bunsod ng pandemya. Ang mas mahalagang usapin ngayon ay kung anong interventions ang gagawin ng ating gobyerno,” ani Villanueva sa panayam ng ABS-CBN Teleradyo noong Huwebes ng gabi.
“Hindi po natin nais na maging bahagi ang ating OFWs ng unemployment statistics. Mungkahi natin sa gobyerno, partikular sa DOLE at OWWA, ay mag-account ng lahat ng pinapauwing OFW at magbuo ng imbentaryo ng skills at kasanayan. I-match po natin yung available talent sa available jobs. Tungkulin po ng gobyerno na mag-facilitate sa pagitan ng mga workers at employers,” dagdag pa ng mambabatas, na pinuno rin ng Senate labor committee.
“Hindi na po sapat ang inaabot na P20,000 sa mga kababayan nating OFW,” giit ni Villanueva sa cash aid program ng gobyerno para sa mga OFWs. (ESTONG REYES)
137 