AYAW magkumpiyansa ng San Miguel Beer kahit bitbit nito ang tournament best record at pasok na sa quarterfinals ng 2022 PBA Philippine Cup, lalo’t inaasahang gagawin ang lahat ng nanganganib mapatalsik na kalabang Terrafirma Dyip ngayon (Huwebes) sa Araneta Coliseum.
“We haven’t achieved nothing yet,” sabi ni Beermen head coach Leo Austria kaugnay sa 5:15 pm na laro nila kontra Dyip.
Wala pang panalo ang Dyip matapos ang walong laro ngunit hindi pa rin sumusuko ang team lalo si coach Johnedel Cardel.
“May tatlo pa kaming natitirang (elimination round) games and tuloy lang ang laban,” giit ni Cardel.
Kasalukuyang may 8-1 slate ang Beermen kasunod ang Barangay Ginebra, TNT, Blackwater at Magnolia na may kanya-kanyang shot para mapunta sa top two.
“As long as nandiyan ang Ginebra, Blackwater, at iba pa, hindi pa rin kami sigurado sa top two,” paliwanag ni Austria.
“Kapag natalo kami pareho, magiging 8-3 kami and sa tingin ko hindi talaga safe iyon.” Tinutukoy ng SMB coach ang isa pa nilang laro kontra naman sa Meralco sa Linggo.
“Every game dapat talagang laban kami. Yung tinatawag na killer instinct, na walang magre-relaks, kung ano lamang natin, dagdagan pa rin natin. Parang keep on improving,” dagdag pa niya patungkol sa muntikan nang pagsilat sa kanila ng Blackwater sa kabila ng 21-point fourth quarter lead noong Linggo.
Napwersa pa ng overtime ang Bossing bago tuluyang naitakas ng Beermen ang panalo, 107-110. (ANN ENCARNACION)
189 