Smugglers, hoarders lusot pa rin RICE RETAILERS LANG ‘PINILAY’ SA MARCOS, ROMUALDEZ DRAMA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

DRAMA o palabas lang ng administrasyong Marcos ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas dahil wala namang nakasuhan o naparusahan.

Ganito inilarawan ni Senador Risa Hontiveros ang price cap na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos itong bawiin kamakalawa.

Aniya, dramatikong pagkilos ang price cap para makatulong sa bumabagsak na popularidad ng Marcos administration.

“Seemingly, its true purpose was to induce widespread concern and panic, to prepare the public sentiment for extraordinary and irregular moves, like the importation of rice by the government itself,” giit ni Hontiveros.

Sa kabila aniya ng price ceiling ay hindi napatunayan na gawa ng kartel, hoarders at price manipulators ang pagsirit ng presyo ng bigas ilang buwan matapos itong paimbestigahan.

“Sana sa pagtatapos ng price cap, may mga nakasuhan at naparusahan na,” giit ni Hontiveros.

Ngunit mga rice retailer aniya ang mistulang pinarusahan dahil sila ang nasapol ng kautusan ng Palasyo.

“Unfortunately, it was the rice retailers who bore the brunt, subsequently queuing up for partial compensation from the Department of Social Welfare and Development,” giit ni Hontiveros.
Nitong Miyerkoles, Oct. 4, binawi na ni Marcos ang rice price cap.

Sa isang panayam, sinabi ng Pangulo na ito na ang tamang panahon para i-lift ang rice price ceiling lalo pa’t namimigay na ng bigas ang pamahalaan.

“Yes as of today’s we are lifting the price caps on the rice both for the regular milled rice and for the well milled rice. So tinatanggal na natin yang mag- control,” aniya pa rin.

Iyon nga lamang, ayon sa Pangulo ay kailangan pa ring ayusin ang agricultural sector, kailangan pa ring tulungan ang mga pinakamahirap at pinakagutom na kahit papaano aniya ay makaahon ang mga ito.

Matatandaang, nito lamang nakaraang buwan ng Setyembre, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang kautusan na nagtatakda ng limitasyon o “ceiling” sa presyo ng bigas sa buong bansa.

Hinikayat din ng Palasyo ang publiko na isumbong ang mga nagtitinda at negosyante na hindi susunod.

Sa pinirmahang Executive Order No. 39 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad na inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade of Industry (DTI) sa pagtatakda ng price ceilings sa bigas sa buong bansa.

Sa regular milled rice, P41 per kilo ang itinakdang sagad na presyo, habang P45 per kilo naman sa well-milled rice.

Matatandaang sa gitna ng kontrobersya sa mahal na bigas ay sunod-sunod na sinalakay ni House Speaker Martin Romualdez kasama ang Bureau of Customs (BOC) ang mga pinaghihinalaang nag-iimbak o hoarder ng bigas.

Ngunit makalipas ang mga isinagawa nitong raid ay wala itong pinangalanang hoarder o smuggler.

171

Related posts

Leave a Comment