MULING nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) laban sa mga nagpipilit magpuslit ng mga kargamento makaraang masabat ng Port of Cebu ang isang container van na naglalaman ng mga inatadong hilaw na manok mula sa bansang Tsina.
Kumpiskado ng BOC-POC ang inangkat na kargamentong naglalaman ng anila’y “unmanifested goods” na naglalaman ng “Uncooked Mechanically Separated Chicken”.
Sa pagsisiyasat ng mga kawani ng Port of Cebu, lumalabas na hindi kasama sa Inward Foreign Manifest and Storage Plan ng barko ang nasabing kargamento.
Hindi rin anila nakapagsumite ang shipping company ng supplemental manifest sa loob ng itinakdang dalawang araw mula sa “date of discharge of the last package” na naaayon sa Customs Administrative Order (CAO) No. 15-2020.
Sagot naman ng shipping line sa ipinalabas na show-cause order ng kawanihan, hindi umano sinasadyang naikarga ang mga inatadong hilaw na manok sa kargamento.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Acting District Collector Charlito Martin Mendoza kaya naman agad nitong nilagdaan ang Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment matapos na makitaan ng probable cause para sa paglabag sa ilang probisyong nakasaad sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act.
Makaraang sumailalim sa physical examination, agad ding isinailalim sa seizure and forfeiture proceedings ang naturang kargamentong nakatakdang i-dispose ng kawanihan batay sa regulasyon ng BOC. (JO CALIM)
373 