SOCIAL PENSION NG SENIORS IBIBIGAY QUARTERLY

PINAGDUDUDAHAN ngayon ang motibo sa pagbabago ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang sistema sa distribusyon ng social pension ng mga senior citizen.

Ito ay dahil mistulang itataon sa election campaign season ang pamamahagi ng nasabing benepisyo sa mahihirap na matatanda sa bansa na planong gawing tuwing ikatlong buwan.

Sa pagdinig ng House committee on appropriation sa budget ng DSWD na nagkakahalaga ng P189.1 billion, sinabi ni Secretary Rolando Bautista na imbes na tuwing anim na buwan ay gagawin na ito tuwing ikatlong buwan.

“We intend to implement the payout for every quarter starting this first quarter of 2022,” ani Bautista kaya ang distribusyon ay magaganap sa panahon ng kampanya sa 2022 election.

Magsisimula ang election campaign sa ikalawang linggo ng Pebrero 2022 at dahil tuwing ikatlong buwan na ang distribusyon ay inaasahan na marerelis ang unang bahagi ng pensyon sa Marso 2022.

Sa kasalukuyan, tuwing ikaanim na buwan ibinibigay ng DSWD ang social pension ng mahihirap na senior citizens kaya P3,000 ang natatanggap ng bawat beneficiaries.

Kung hindi babaguhin ang kasalukuyang sistema ay matatanggap ng mga senior citizen ang kanilang social pension sa Hunyo 2022 o pagkatapos ng halalan na magaganap sa Mayo 9, 2022.

Ang social pension ay pinaglalaanan ng P23.5 billion sa 2022 para sa 3.8 million mahihirap na senior citizens sa buong bansa.

Samantala, kinumpirma ni DSWD Financial Management Service Director Wayne Belizar na hindi umaabot sa P2.708 billion ang pondong hindi na-transfer ng StarPay sa mga Social Amelioration Program (SAP) noong nakaraang taon.

“For, Starpay, we actually have pre-funded a total amount of P51.35 billion, which is equivalent to 6,905,361 beneficiaries,” ani Belizar subalit 6,375,496 beneficiaries lang ang nabigyan na nagkakahalaga ng P47.32 billion.

Dahil dito, inatasan umano ng DSWD ang Starpay na ibalik ang P2.708 billion. (BERNARD TAGUINOD)

273

Related posts

Leave a Comment