KINURIPOT umano ni Pasig Mayor Vico Sotto ang badyet ng lungsod para sa social services kaya nagkaroon ito ng mataas na budget surplus na hindi naman ikinagalak ng mga residente, ayon sa isang advocacy group.
Ito’y makaraang maiulat sa media na umabot umano sa P3.024 bilyon ang pondong sumobra o surplus funds ng Pasig City na sinundan ng Lungsod ng Maynila na may funds surplus naman na P3.003 bilyon.
Ang naturang surplus funds ay ang galing sa sumobrang pondo mula sa kinita ng local government unit matapos maiawas ang kabuohang mga gastusin.
“Dismayado ang mga Pasigueño dahil sa laki umano ng budget surplus ay obyus na kinuripot ng pamahalaang lungsod ang badyet para sa basic services katulad ng health care at mga gamot at maging ang ayuda sa pag-aaral ng mga bata,” pahayag ng isa sa mga haligi ng advocacy group na Tindig Pasig na si Ram Cruz.
Ang tinutukoy ni Cruz ay ang umano’y palagiang reklamo ng mga Pasigueño na kakulangan ng mga gamot sa mga ospital at health care centers na nasa ilalim ng pangangasiwa ng City Hall, kawalan ng mga medical equipment na kinakailangan sa pagtukoy ng tumpak na sakit ng pasyente, at maging ang mga nabibinbin na schools supplies at iba pang ayuda sa mag-aaral na mga batang Pasig.
Matatandaang bumagsak ang Pasig City sa ika-9 na pwesto mula sa ika-6 nitong ranggo noong 2019 sa nakaraang 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index ng Department of Trade and Industry.
Malaki umano ang naging kontribusyon ng kategoryang government efficiency sa nasabing rankings na kinabibilangan ng government services tulad ng health services, peace and order, school services, at social protection.
“Kaya naman makikita sa naturang rankings na lumagapak ang Pasig mula sa 4th place noong 2019 papunta sa 10th place ngayong taon sa naturang kategorya,” pahayag ni Cruz, na nagsabi pang ito umano ang naging dahilan upang masabi naming mga Pasigueño na tila “pampaganda lamang sa image at reports” ang mataas na budget surplus na tila’y ipinagmamalaki pa ng pamunuan ng lungsod.
Ang mataas na budget surplus ng LGU ay pawang sinasalamin umano ang pagtitipid ng kasalukuyang alkalde upang mapag-ipunan ang ipinatatayo nitong bagong Pasig City Hall complex na nangangailangan ng paunang pondo na higit P9.6 bilyon.
“Kaya pala walang mga gamot sa ospital health center, baku-bakong kalsada, walang school supplies at pailaw eh tinitipid pala, ayaw gastahin ang pondo sapagkat isinakripisyo ang badyet para sa basic services para matustusan ang garbo ng P9.62 bilyon na bagong munisipyo,” hinaing ng lider ng Tindig Pasig.
“Ang dami naman palang ipon pero parang wala namang nararamdaman maayos na serbisyo ang Pasigueños. Parang ang nakikinabang lang ay yung image building ng liderato, hindi ang tao mismo,” pagtatapos na sabi nito
Kaugnay nito, wala namang naging pagbabago sa ranggo ng Pasig City na 9th place sa DTI Rankings sa magkasunod na taon ng 2023 at 2024, dahilan upang maging 8th place ang lungsod sa 2024 Most Improved Rankings para sa highly urbanized cities sa bansa.
21